Pinasadahan kahapon ng mga opisyal ng Secretariat ng Kamara ang mga miyembro ng media, bilang paghahanda sa kanilang pag-uulat sa pagdating ng mga ballot boxes mula sa Senado sa darating na Lunes, bilang bahagi ng mga kaganapan sa pagbilang ng mga boto para sa kandidato ng pangulo at pangalawang pangulo sa 2022 pambansang halalan.
Ang mga opisyal ng Kapulungan ay pinangunahan ni Secretary-General Mark Llandro Mendoza, Deputy Secretary-General ng Inter-Parliamentary and Public Affairs Department (IPAD) Atty. Gracelda Andres, Press and Public Affairs Bureau (PPAB) OIC Executive Director Dr. Celine Marie Buencamino, at mga opisyal ng Legislative Security Bureau (LSB).
Sinabi ni Andres na ang mga ballot boxes na naglalaman ng election returns (ERs) at certificates of canvass (COCs) ay darating sa Kapulungan mula sa Senado sa pamamagitan ng daan tungo sa House Main Entrance, sa madaling araw ng ika-23 ng Mayo 2022.
Aniya, sina Senate Sergeant-at-Arms MGen. Rene Samonte AFP (Ret.) at House Sergeant-at-Arms BGen. Rodelio Jocson (Ret) ay mismong naroon sa Main Entrance Lobby para salubungin ang ililipat na mga ballot boxes.
Pinaalalahanan ni Andres ang mga miyembro ng media na kailangan nilang sumailalim sa COVID-19 antigen test, bago sila pahihintulutang makapasok sa loob ng Kapulungan, para saksihan ang pagbibilang ng boto.
Matapos nito ay sinamahan niya ang mga media sa Main Entrance Lobby patungo sa Session Hall.
Dumaan sila sa Media Center, kung saan aniya, itatabi ang mga ballot boxes na naglalaman ng mga ER.
Ipinakita niya sa mga media ang bagong ayos na Session Hall.
Samantala, bago ang walk-through, ipinaalam ni Buencamino sa media ang mga pamamaraan at protocol na dapat sundin, tulad ng pagsailalim sa antigen test sa Linggo, ika-22 ng Mayo na isasagawa ng Kamara mula ala una hanggang alas singko ng hapon. Ang resulta ng antigen test ay may bisa ng isang linggo.
Ipinaliwanag din niya ang hinggil sa: 1) patakaran sa pagsaksi sa pagbibilang ng boto, 2) papaano ang paraan sa pagkuha ng Media Accreditation ID at House Access Pass, 3) ang patakaran para sa mga stand upper sa South Lobby, at 4) ang mga lokasyon kung saan lamang pahihintulutan ang mga media.
Sinabi rin ni Buencamino na ang mga kaganapan sa pagbilang ng mga boto ay ipapalabas nang live sa mga TV monitor sa Speaker Jose de Venecia Hall na nasa South Wing Annex. Malugod namang tinanggap ni Secretary-General Mendoza ang mga miyembro ng media sa loob ng session hall.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV