Ipinagpatuloy noong Lunes ng Committee on Ways and Means sa Kamara ang pagdinig sa ilang ahensya ng pamahalaan hinggil sa pagpapagaan ng mga proseso para sa inspeksyon ng mga inangkat na karne, at iba pang produktong halaman, gayundin sa pagpupuslit umano ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa.
Tinutukan ng Komite ang umano'y pagpupuslit ng palm oil na umaabot sa P300 bilyon.
Ang puslit na palm oil ay pinapasok sa bansa bilang mga animal feed, para malibre sa value-added tax, ngunit sa huli karamihan nito ay ginagamit umano para sa pagkain ng tao.
Sinabi ng chair ng komite na ang malaking importasyon ay makakasama sa mga magsasaka ng niyog sa bansa.
Sa kanyang panig, ipinaliwanag ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Policy, Planning and Research Fermin Adriano na ang palm oil ay may mataas na antas ng produksyon sa Malaysia, at halos apat na beses na mas mahal kaysa sa lokal na langis ng niyog.
Iniulat ni DA-Bureau of Animal Industry (BAI) Director Reildrin Morales na 399,530 kilo ng palm oil ang inangkat noong 2016, at tumaas ito sa 39 milyong kilo noong 2021.
Idinagdag niya na may mga puwang sa regulasyon ng palm oil, na ginagawang pag-aangkat na madaling abusuhin ng mga negosyante.
Samantala, sinabi ni DA Undersecretary Engr. Ariel Cayanan na ang pagsusuri sa paghawak ng mga inangkat na produkto ay makakatulong upang matukoy kung food grade o feed grade ang mga ito.
Bago matapos ang pagdinig, hiniling ng namuno ng komite sa mga kinauukulang ahensya na iharap sa susunod na pagdinig ang nakakagambalang epekto ng pag-aangkat ng palm oil sa industriya ng niyog, gayundin ang kalagayan ng suplay at pangangailangan ng vegetable oil.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV