Nagsagawa ng online na pagdinig ngayong Miyerkules ang Komite ng Overseas Workers Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza, upang dinggin ang pinakabagong kaganapan sa COVID-19 kaugnay ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), gayundin ang mga usaping may kinalaman sa Implementing Rules at Regulations (IRR) ng Republic Act 11641 o ang "Department of Migrant Workers Act."
Iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) - Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) Senior Specialist Assistant Jose Cabrera na sa kasalukuyan, ay may kabuuang 459,612 OFWs na ang pinabalik sa bansa sa pamamagitan ng tulong sa pagpapauwi ng DFA.
Idinagdag ni Cabrera na pinadali ng DFA ang 113 chartered repatriation flights at 167 Bayanihan flights, habang mayroon pang tatlong paparating na tulong sa pagpapauwi ng DFA sa pagtatapos ng buwan.
Samantala, sinabi ni Department of Labor and Employment - International Labor Affairs Bureau (DOLE-ILAB) Director Alice Visperas na may kabuuang 1,102,652 OFW ang naapektuhan ng pandemya na nabigyan ng transportasyon, pagkain, tulong medikal, pinansyal at matitirahan.
Ipinahayag rin niya na sa 32,002 OFWs na nagkaroon ng COVID-19, ay 27,549 na ang gumaling.
Sa katayuan ng pagpapatupad ng RA 11641, kasalukuyang nasa proseso ng paglutas sa usapin ng pagkakaroon ng dalawang bersyon ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang mga miyembro ng Department of Migrant Workers (DMW) ng transition committee.
May sariling bersyon ng IRR si DMW Secretary Abdullah Mama-o na kanyang nilagdaan noong Abril 4, 2022.
Gayunpaman, ang iba pang kasapi ng transition committee ay nagsumite rin ng ibang IRR, na kalaunan ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Iginiit ni Mama-o na ang IRR na kanyang pinirmahan ay legal at hindi pinawalang-bisa ng anumang hukuman.
Pinaalalahanan ni Mendoza ang mga kaugnay na opisyal na serbisyo para sa mga OFW ang nakataya sa usaping ito.
Pinayuhan din niya ang transition committee na magsagawa ng masusing pagtalakay sa usapin hinggil sa IRR, upang maiwasan ang mga legal na gusot na maaaring makapagpaantala sa operasyon ng bagong likhang departamento.
Ipinaliwanag din ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Chief Bernard Olalia na binanggit ni Executive Secretary Medialdea sa kanyang liham, na hindi pa ganap ang operasyon ng DMW sa ngayon.
Dagdag pa dito, binanggit niya na batay sa mga transitory provisions ng RA 11641, mayroong dapat aprubadong 2023 badyet, at aprubadong IRR, staffing pattern, gayundin ang kumpletong pagsasanay ng lahat ng kawani na maitatalaga sa bagong departamento.
Hinikayat din ni Blas F. Ople Policy Center and Training Institute (Ople Center) Head Susan Ople ang transition committee ng DMW, na magtulungan na lang sa paglutas sa usapin ng IRR para sa kapakanan ng mga OFW.