Friday, April 08, 2022

MALAKING ANOMALYA SA PAUTANG SA LAND BANK, PINAIIMBESTIGAHAN NG ACT-CIS SA KONGRESO

Isinusulong ni ACT CIS Partylist Representative Rowena NiƱa Taduran ang isang imbestigasyon para mabuo ang isang batas, kaugnay ng diumano ay ilegal na pagkita ng ilang taga-loob ng Landbank of the Philippines o LBP na nagsisilbing tagapamagitan o “ahente” sa mga aplikasyon para sa pautang.  


Ayon sa House Asst. Majority Leader, ang mga ahenteng ito ay nangangakong mapapabilis ang pag-apruba sa kanilang utang kapalit ng sampung porsiyentong subi o “cut” ng ahente sa inutang. 


Ayon kay Taduran, dapat na agarang imbestigahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pangyayaring ito lalo na at napakalaki ng mga pautang na may kinalaman dito, nagagamit ang isang pinansyal na institusyon ng pamahalaan, at ang epekto nito sa publiko na posibleng hindi na pagkatiwalaan ang sistema ng bangko. 


Isa sa mga nabiktima nito, ayon kay Taduran, ay ang presidente ng American Boulevard na si Alberto Ching na nag-apply sa Landbank para makautang ng ₱50 miyon. 


Sinabi ng mambabatas na napag-alaman niyang malaking bahagi ng utang ni Ching ang hindi nailabas dahil sa sampung porsiyentong “cut” ng ilang mga tauhan ng LBP. 


"The borrower was given all sorts of excuses and was coaxed by the 'agents' to apply for another P50 million loan. Still, the release of the loan proceeds was delayed and incomplete,"  ayon kay Taduran sa House Resolution No. 2543, na kanyang isinampa noong Marso 30 , 2022.


Hindi tuloy nakabayad ang kumpanya ng damit ni Ching sa iba pa nitong pinagkakautangan at naging dahilan ng pagkakasara ng kanyang negosyo at kawalan ng ikabubuhay ng kanyang mga empleyado. 


Sumulat si Taduran sa pamunuan ng LBP para siyasatin ang kaso ni Ching. 


Ang tanging tugon ng bangko ay nagsagawa na sila ng panloob na imbestigasyon at tinanggal na ang mga empleyadong may kinalaman sa pangyayari bukod sa sinampahan sila ng kaso. 


Ayon kay Taduran, hindi man lang bumawi ang LBP sa American Boulevard sa nilikha nitong pinsala sa kanilang negosyo. 


Sinabi pa ng mambabatas na hindi lamang si Ching ang nabiktima kung hindi tatlumpung iba pa kung saan ang mga in-apply-an na utang ay humigit-kumulang sa ₱100 milyong. 


"Considering the huge amounts of the loans, it is highly improbable that low-ranked LBP employees acted without the cooperation/approval of the 'higher-ups'," ani Taduran. 


"Congress is duty-bound to protect the borrowing public as well as the entire banking system from nefarious practices of unscrupulous bank personnel," pagtatapos ni Taduran. 


-30-