Bakit ang drivers meron na, ang mga magsasaka at mangingisda wala pa rin?
Iyan ang tanong ni Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat sa naaantalang pamimigay ng fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda na lubhang apektado ng pagsipa ng oil prices sa nakalipas na ilang buwan.
Nitong April 6, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na exempted ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board mula sa election ban ukol sa paggastos para sa mga proyekto ng pamahalaan. Ang ban ay mula Marso 25 hanggang Mayo 8. Dahil dito, puwede nang ipagpatuloy ng ahensya ang distribusyon ng fuel subsidy sa mga driver na nagkakahalaga ng hanggang P6,500.
Nauna nang humingi ng exemption sa Comelec ang Department of Agriculture para naman sa fuel vouchers ng magbubukid at mangingisda, pero tinanggihan ito.
May P500-milyon sanang nakalaan na financial assistance sa porma ng discount card para sa manggagawa ng agrikultura. Higit 160,000 farmers at fisherfolk ang makakatanggap ng diskuwento sa krudo na halagang P3,000.
Bagamat pinuri ni Cabatbat ang desisyon ng Comelec sa pagpapatuloy ng ibang proyekto, umapela siya rito na pagbigyan din ang sektor ng agrikultura.
“Ano ba ang pagkakaiba ng driver, magsasaka at mangingisda? Pare-pareho lang naman silang nagdurusa sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at bilihin, hindi ba? Dapat may exemption din ang DA, dahil kailangang umabot na ang tulong na ito sa farmers at fisherfolk na luging-lugi na,” ani Cabatbat.
Dagdag ng mambabatas, marami nang mangingisda at magsasaka ang tumigil muna sa paghahanap-buhay sa dagat at bukid dahil sa mahal na presyo ng gasolina. #