Friday, April 08, 2022

CONG. CABATBAT: HIGPITAN ANG ACCREDITATION NG PARTYLIST GROUPS

-  Totoong may mga pulitikong inaabuso ang partylist system

 Pagpapalakas partylist system implementation, hindi abolition, ang sagot


Mas mahigpit na accreditation system ng Commission on Elections (Comelec) at mas mapanuring mga botante ang nakikitang paraan ni Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat upang hindi maabuso ang partylist system ng bansa.


Ikinalungkot ni Cabatbat ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na mayayaman lamang ang nakikinabang sa partylist system at dapat ay mabuwag na ito sa pamamagitan ng Constitutional Assembly o Constitutional Convention. 


Sa isang panayam, sinabi ni Cabatbat na kailangang siguruhin ng Comelec na lehitimong grupo lang ang bibigyan nito ng accreditation para lumahok sa halalan. 


Ani deputy minority leader ng Kamara: “Let’s call a spade a spade. Sa totoo lang po, maraming mga partylist na ang may-ari ay mga mayayaman, mga pulitiko. Kung pagbabasehan natin iyan, talagang hindi lahat ng representative ng partylist ay galing sa mga sektor na kanilang nire-represent. Kung iyan ang sukatan, marami talagang nakapasok. Pero marami pa rin namang mga partylist na galing din naman talaga sa kanilang kinakatawan na sektor.”


Si Cabatbat ay anak ng mga magsasaka mula sa Guimba, Nueva Ecija. Itinuturing siyang isa sa pinaka-produktibong neophyte lawmaker ng 18th Congress dahil sa paghahain nang higit dalawang daan at pitumpu’t walong (278) panukalang batas kabilang ang review ng Rice Tariffication Law at pag-institutionalize ng ‘One Town, One Product (OTOP) program na magpapalakas sa MSMEs. Siya rin ang first nominee ng Magsasaka Partylist sa darating na May 9 elections.


Bukod sa mas mahigpit na implementasyon ng partylist law, nanawagan din si Cabatbat sa mga botante na maging mapanuri at siguruhing kinatawan talaga ng kanilang sektor ang iboboto.


Naniniwala rin ang kongresista na hindi dapat i-abolish ang partylist system, dahil mas maraming grupo ang talagang nagta-trabaho upang isulong ang marginalized sectors.. Dagdag niya, “Kung ang batayan natin sa pagbuwag ay yung nakakapasok ang mga mayayaman at mga makapangyarihan na pulitiko, nagkaroon nan ng mga dynasties, eh wag lang siguro partylist ang ating buwagin, pati Senate, House of Representatives, kasi kung titingnan mo, lahat naman yan pinasok na ng mayayaman Hindi yata patas na sa partylist lang tayo titingin.” #