Nagdaos ngayong Lunes ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco ng apat na araw na contingency training na may titulong “Multi-hazard Emergency Response for Critical Facilities.”
Ang pagsasanay ay pinangasiwaan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), sa pangunguna ni House Sergeant-at-Arms Ret. Police Brigadier General Rodelio Jocson, sa pakikipagtulungan ng Human Resource Management Service (HRMS).
Layunin nitong magbigay ng mga tagubilin at wastong kaalaman sa multi-hazard tulad ng sunog, structural collapse dahil sa lindol, mass shooting, pambobomba, hostage incident at hydro-meteorological hazards.
Si Dr. Teofredo "Ted" Esguerra, isang retiradong opisyal ng Philippine Coast Guard at isang North American Rescue instructor, gayundin ang retiradong US Navy na si Senior Chief Deputy Officer Donald Pang, ay kabilang sa mga panauhing tagapagturo para sa pagsasanay.
Nagbigay si Esguerra ng malalim na mga talakayan at tagubilin sa aktwal na kaligtasan sa natural, arthropogenic o gawa ng tao, aksidente at kumplikadong mga panganib sa unang araw ng pagsasanay.
Nagbigay din siya ng mga pangunahing punto para mabuhay sa panahon ng mga natural na sakuna, partikular na ang mga lindol, kung saan ang bansa ay lubhang mahina.
Pinabulaanan din niya ang ilang bahagi sa itinuturong earthquake standard drills, at binibigyang-diin ang situational awareness sa mga natural na sakuna, para sa mas magandang pagkakataon na mabuhay.
"It is important na your eyes are open para ma-calibrate mo ang paligid mo," ani Esguerra.
Iniharap din niya sa grupo ang Basic Trauma Life Support, upang sanayin ang mga kalahok sa mga kaso na kinasasangkutan ng pagdurugo na nangangailangan ng kritikal na first aid.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV