Tapat sa pangakong protektahan ang mga mahihina, nagkaisang inaprubahan kahapon, Lunes ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10658, na magpapalakas ng mga polisiya sa anti-trafficking ng mga tao.
Kapag naisabatas, mapapahusay nito ang kakayahan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagsulong ng teknolohiya sa pag-iimbestiga sa mga kaso ng trafficking ng bata at online na pagsasamantala.
Gayundin, ang HB 10703, o ang panukalang “Anti-Sexual Abuse or Exploitation of Children” ay nagkakaisang naipasa sa pinal na pagbasa.
Ang naturang panukala ay iniakda ni TINGOG SINIRANGAN Rep. Yedda Marie Romualdez.
Layon ng panukalang batas na magpatupad ng mga hakbang upang maiwasan, matugunan, at posibleng wakasan ang sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala sa bata.
Ang Inter-Agency Council Against Child Sexual Abuse o Exploitation ay itatatag upang ipatupad ang mga probisyon ng batas, kabilang ang pagbuo ng isang sistema ng pag-uulat at mga protocol sa pagtukoy, pag-iwas, at pag-uusig sa mga naturang krimen.
Nagkakaisa ring ipinasa ng mga mambabatas sa ikatlo at huling pagbasa, na may 193 pabor na boto ang HB 10647, na magbibigay ng karagdagang benepisyong pinansiyal sa mga centenaryong Pilipino, at pagkilala sa mga octogenarian at nonagenarian.
Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, ang mga senior citizen na umabot sa edad na 100 taong gulang ay makakaasang makakatanggap ng regalo na nagkakahalaga ng ₱100,000 at ₱1 milyon sa kanilang ika-101 kaarawan.
Ang mga Pinoy na aabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 ay maaari ding makatanggap ng regalong salapi na ₱25,000. Kabilang ito sa mga mahahalagang panukalang batas na ipinasa ng Kapulungan.
Ang hybrid na sesyon ngayong araw ay pinangunahan ni Speaker Velasco, gayundin nina Deputy Speakers Marlyn Alonte at Roberto Puno.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV