Balik-sesyon na ang Kamara mamayang hapon matapos ang bakasyon at isasailalim ang Kongreso sa mahigpit na health and safety protocols dahil sa kasalukuyang banta ng mas nakakahawang Omicron coronavirus variant.
Ipinahayag ni Speaker Lord Allan Velasco na ang mga protocol na ito ay kinakailangan upang maprotektahan ang mga mambabatas at mga kawani ng lehislatura na maipagpatuloy na gampanan ang mandato nitong magsagawa ng mga batas upang maipagpaibayo ang buhay ng mga Filipino.
Matapos magbalik-sesyon ang Kapulungan ay muli itong mag-aadjourn sa ika-5 ng Pebrero, na maghuhudyat sa pagsisimula ng panahon ng pangangampanya para sa pambansang halalan para sa mga posisyon sa ika-8 ng Pebrero.
Ayon pa kay Velasco, mayroon na lamang tatlong linggo o bale siyam na araw ng sesyon na lamang upang kanilang tapusin ang ilang mga priority measures bago sila mag-adjourn para sa eleksiyon.
[“This is not the time to be complacent. We needed to step up our health and safety protocols in the House so we could keep the legislative mill running even in the midst of what has been described as the worst surge in COVID-19 cases in the country,” ani Velasco. ]
[“We only have three weeks or nine session days to finish some priority measures before we adjourn for the election period,” ani Velasco.]
Sinabi niya na inaasahan ng Kapulungan na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10582 o ang panukalang Rural Financial Inclusion and Literacy Act, na naglalayong iangat ang buhay ng mga mahihirap na sektor – ang mga maliliit na magsasaka, mangingisda, at mga impormal na manggagawa – sa pamamagitan ng pagtugon sa malawak na agwat upang maabot ang inklusibong pinansya.
Naghihintay rin sa huling pagbasa ang HB 10579, na naglalayong patatagin ang mga karatig tanggapan ng Commission on Elections, sa pamamagitan ng pagpapaunlad at paglikha ng ilang posisyon, at mag-aamyenda sa Seksyon 53 ng Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code, na inamyendahan, at paglalaan ng pondo para dito.
Sinabi ng pinuno ng Kapulungan na pag-iibayuhin ng mga kinauukulang Komite ang kanilang trabaho para maisapinal ang panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers at ang National Development Act, gayundin ang panukala na nagtatalaga ng mga manggagawa sa kalusugan, sa lahat ng barangay sa buong kapuluan.
Nanawagan si Velasco sa Senado na aksyunan ang mahigit-kumulang na sandosenang panukala na pasado na sa huling pagbasa sa Kapulungan.
Ito ay kinabibilangan ng panukalang Internet Transactions Act at ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises o GUIDE Act; ang panukala na lilikha sa Medical Reserve Corps, Philippine Virology Institute, at ang Center for Disease Prevention and Control; ang pagbibigay trabaho sa mga manggagawa sa kalusugan sa basic education; ang pagtataas ng social pension sa mga mahihirap na senior citizen; at ang pagpapalakas ng proteksyon sa data privacy.
“We urge the Senate to expedite the deliberations and approval of these measures so we can pass them into law before the campaign period,” ani Velasco.
Matapos ang dalawang linggong lockdown ng Kapulungan, inaasahang paiigtingin ng Kapulungan ang pagpapatupad ng HousePass System, habang ang sesyon sa plenaryo ay idaraos pa rin sa pamamagitan ng online.
Sinabi ni Velasco na mananatiling 20 porsyento lamang ng mga kawani sa bawat tanggapan ang pahihintulutang makapasok sa trabaho simula sa Lunes.
Sa ilalim ng HousePass System, magtatalaga ang bawat tanggapan ng health and safety officer (HSO) na magnonomina ng mga staff members na pisikal na papasok sa trabaho kada araw. Ang mga kawani ay magsusumite ng online na rehistrasyon at digital na kopya ng health declaration form, at matapos nito ay bibigyan sila ng QR code.
Ang code na ito ang ini-scan bago pumasok sa mga gusali at tanggapan sa Batasang Pambansa complex. Ang mga otorisadong kawani lamang ang pahihintulutang makapasok sa loob ng Batasan complex.
Magsasagawa rin ng Antigen test sa mga pisikal na papasok sa trabaho sa simula ng bawat linggo. Ang mga may sintomas o ang mga magpopositibo sa test ay aabisuhan na kumunsulta sa manggagamot at mag self-isolate sa loob ng 7 araw, ayon sa pinakahuling patakarang ipinaiiral ng Kagawaran ng Kalusugan.
Idaraos ang sesyon mula Lunes hanggang Miyerkules, na may limitadong bilang lamang ng mga mambabatas at kawani ang pisikal na nasa loob ng bulwagan. Ang mga mambabatas ay makadadalo sa sesyon sa pamamagitan ng videoconference.
Lahat ng pagdinig, pampublikong pagpupulong at mga aktibidad ng mga Komite ay isasagawa sa pamamagitan ng plataporma ng videoteleconference. #