Wednesday, December 29, 2021

-TAMPERING NG MGA DONASYON PARA SA TYPHOON ODETTE, DAPAT SIYASATIN — BARBERS


Hinimok ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pamahalaang nasyunal na siyasatin ang mga napaulat na diumano ay tampering o pagre-repack ng mga donasyon galing sa mga pribadong indibidwal para sa mga biktima ng super-typhoon “Odette” na isinasagawa ng mga lokal na pulitiko.


Sinabi ni Babers na ang mga relief goods ay nire-repack ng mga naturang tiwaling politiko na may mga marka ng kani-kanilang mga pangalan.


Dahil dito, hinimok ni Barbers ang Department of the Interior and Local Government (DILG), ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na magsagawa ng pasisiyasat hinggil sa mga ulat na ito na ayon sa kanya ay mga beripikadong totoo batay sa mga gumagamit ng social media.


Idinagdag ng mambabatas na sa sandaling mapruweba ang mga ito, dapat sampahan kaagad ng kaso ang mga nasangkot na mga politiko dahil ginagamit nila ang typhoon aid para sa kanilang kapakanan at personal na bentahe.