Ipinasa na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at pinal na pagbasa noong nakaraang Martes ang panukalang nag-uutos sa lahat ng mga probinsya, lungsod, bayan, at barangay na maglaan ng hindi bababa sa fifteen percent (15%) ng kanilang bahagi sa national tax allotment para sa serbisyong pangkalusugan.
Pinasalamatan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, Chairperson ng Committee on Health ang principal author ng House Bill 10392 na si Speaker Lord Allan Velasco at ang liderato ng Kamara sa pagpasa ng panukala.
Sa ilalim nito, ang lahat ng local government units (LGUs) ay kailangang maglaan mula sa kanilang taunang national tax allotment ng hindi kukulangin sa fifteen percent (15%) para sa health services, kasama rin dito ang pagbibigay ng libreng gamot para sa mga mahihirap na Pilipino – isang inisyatiba na ipinaglaban ni Tan.
Sinabi ng solon na kasama sa local development initiatives, ay ang pagbibigay ng dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan na lubhang mahalaga lalo na sa harap ng kinakaharap nating COVID-19 pandemic.
Kanyang ipinaliwanag na ang House Bill 10392 ay naglalayong amendahan ang Section 287 ng Local Government Code (LGC) of 1991 upang tiyakin ang paglalaan ng hindi bababa sa 15% ng annual national tax allotment para sa health services ng lahat ng LGUs bilang paghahanda sa mas malaking gampanin ng mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan kasunod ng Mandanas-Garcia ruling.
Ang 15% ng annual national tax allotment para sa health services ay hiwalay sa pondong ibinibigay sa ilalim ng kasalukuyang development projects tulad ng isinasaad sa ilalim ng LGC at Special Health Fund (SHF), isang bahagi ng Universal Health Care Act (UHC).
Ayon kay Tan, “Ang pandemya ay nagbigay diin sa kahalagahan ng mga LGUs na manguna sa pagpapatupad ng UHC sa bansa at ang bawat lider sa lokal na pamahalaan ay kailangang kilalanin na ang pagbibigay serbisyong pangkalusugan ay isang estratehikong tungkulin na kailangang gampanan at tugunan dahil ito ay lubhang mahalaga para sa pag-unlad ng lipunan.#