Wednesday, December 08, 2021

-PAGSIYASAT SA PAGKAMATAY NI PMMA CADET JONASH BONDOC, IPINAGPAPATULOY NG KOMITE SA KAMARA

 Ipinagpatuloy noong nakaraang Martes ng Komite ng Higher and Technical Education sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go ang kanilang pagsisiyasat sa pagkamatay ni Philippine Merchant Marine Academy Cadet 4th Class Jonash Bondoc sa ilalim ng mga kuwestiyonableng pangyayari sa loob ng PMMA, gayundin ang mga polisiya sa pagpasok at pagsasanay, mga kasanayan, proseso, at mga tradisyon, opisyal o hindi opisyal na sinusunod ng mga opisyales ng mga kadete doon.


Ang pagsisiyasat ay batay sa House Resolution 1953 na inihain ni Agusan del Norte Rep. Lawrence ‘Law’ Fortun. 


Sinabi ni Go sa Komite na ang susunod na pagdinig ay isang executive session kung saan ay hihilinging tumestigo ang mga kadete. 


Ipinahayag din ni Go ang pangangailangan na mag-anyaya ng bihasang psychologist na maaaring makapagbigay ng liwanag sa mga isyung pinag-uusapan.




Sinabi ni Fortun na sa kabila ng mahigpit na batas ng bansa laban sa hazing, ang mga kaganapan - pagkamatay ng mga kadete o estudyante sa pamamagitan ng hazing - ay patuloy na nangyayari kahit pagkatapos ng pagkamatay ni Bondoc. 





Samantala, para protektahan at isulong ang kapakanan ng mga alagang hayop sa bahay, inaprubahan ng Komite ang House Bill 9804, na nagtatatag ng isang ospital ng beterinaryo sa Southern Luzon State University (SLSU) campus sa Catanuan, Quezon.

Inaprubahan din ng Komite ang HB 10203, na naglalayong magtatag ng College of Veterinary Medicine sa Bicol University sa Ligao, Albay. Nagpahayag naman ng kanilang suporta sa dalawang panukala ang pangulo ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) na si Dr. Tirzo Ronquillo at Commission on Higher Education (CHED) Region 5 Director Freddie Bernal, gayundin ang iba pang nagsusulong.

Si Deputy Speaker Evelina Escudero ang nagmosyon upang aprubahan ang HBs 9804 at 10203, na sinang-ayunan at pinagtibay ng Komite. Matapos ang pag-apruba sa HB 9804, inalam ni Albay Rep. Joey Salceda kay SLSU's Doracie Zoleta-Nantes (ANU College of Asia and the Pacific) ang bilang ng mga beterinaryo sa bansa. Ipinahayag naman ni Bicol University president Dr. Arnolfo Mascarinas na mayroon lamang mahigit na 10,000 beterinaryo sa Pilipinas, at mayroon namang mahigit na 20 beterinaryo lamang sa Albay.

 

#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV