Bumuo noong Lunes ng isang technical working group (TWG) ang Committee on Ways and Means sa Kamara, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, upang makagawa ng substitute bill sa mga panukalang suspindihin ang pagtaas ng excise tax para sa mga produktong petrolyo at langis, gaya ng isinasaad sa ilalim ng Batas Republika (RA) 10963, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
[Ang mga ito ay ang House Bill 10438 na iniakda ni Salceda, HB 10426 ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, HB 10411 ni ANAKALUSUGAN Rep. Michael Defensor, HB 243 ni BAYAN MUNA Rep. Carlos Isagani Zarate, House Resolution 2318 ni Quezon City Rep. Jesus Suntay, at HR 2320 ni Baguio City Rep. Mark Go.]
Iminungkahi ni Salceda bago magbuo ng grupo, na ang TWG ay dapat binubuo nina Senior Committee Vice Chairperson at Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing, Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, PBA Rep. Jericho Jonas Nograles, at AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin.
Inatasan ni Salceda ang TWG, gamit ang HB 10438 bilang panukalang batayan, na isama at bumuo ng substitute bill ayon sa mga sumusunod na probisyon, at iba pa: 1) anim na buwang suspensiyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo at langis; 2) paggamit sa pagkakaiba-iba ng unleaded, leaded, at premium na gasolina; 3) pagbibigay sa Department of Energy (DOE) at sa Department of Finance (DOF) ng motu proprio na kapangyarihan, hindi lamang upang subaybayan kundi pati na rin ang imbestigahan ang mga aktibidad sa pagpepresyo ng mga namimili ng petrolyo; 4) pagmumungkahi na ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) ay mabigyan ng kapangyarihan kung sakaling ang presyo ay lumampas balang araw tulad ngayon, na $80 ang Mean of Platts Singapore (MOPS), maaari nilang suspindihin ang pagtaas nito; 5) ang bahagi ng mga yunit ng lokal na pamahalaan (LGUs) mula sa national tax allotment (NTA), na nagmumula sa excise tax, ay magamit para mabigyan ng subsidiya ang mga traysikel.
Sa kanilang pagpupulong, sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na isa sa mga nangingibabaw na dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang agresibong pangangailangan sa ikaapat na bahagi na nakikitang aabot ng hanggang 102.61 milyong mga barilies ng krudo kada araw, habang ang suplay ay halos 100.1 milyong bariles bawat araw, na nagpapakita ng kakulangan sa suplay na humigit-kumulang 2.60 milyong bariles bawat araw.
Aniya, ang pangunahing usapin ay ang pagkontrol ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa suplay.
Ipinahayag ni Abad na hindi sapat ang pagkontrol na ito sa suplay para punan ang kasapatan ng 2 milyong bariles ng krudo sa pandaigdigang merkado kada araw.
Sinabi rin niya na ang parusa ng Estados Unidos laban sa Iran at Venezuela ay nakabawas ng humigit-kumulang limang milyong bariles ng krudo sa merkado ng mundo.
Ayon pa kay Abad, ang mga bagong kaganapan ay nagpakita ng paghina ng pangangailangan na nagresulta sa paglipat sa mas mababang presyo ng langis.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV