Tuesday, November 30, 2021

-PAGPAPALAWIG NG 2021 PONDO HANGGANG DISYEMBRE 2022, APRUBADO SA IKATLO AT PINAL NA PAGBASA

Inaprubahan na noong nakaraang Lunes ng Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 10373, na naglalayong palawigin ang pambansang badyet para sa kasalukuyang taon hanggang ika-31 ng Disyembre 2022.


Aamyendahan ng panukala ang Seksyon 62 ng General Provisions ng Republic Act 11518, o ang 2021 General Appropriations Act.


Sa pag-apruba ng panukala, pahihintulutan nito ang mga ahensya ng pamahalaan na ganap na magamit ang inaprubahang pondo para sa taong 2021, para sa implementasyon ng mga prayoridad na programa at proyekto.


Nasa Senado na ang pagpapasya kung kanila ring ipasa ang panukala upang ito ay maging ganap na na batas matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.





Ang panukala ay nakakuha ng 168 pabor na boto, anim na negatibo at walang abstensyon.


Ipinasa rin sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 3255, na nakakuha ng 175 pabor na boto, na naglalayong magtatag ng mga Timbangan ng Bayan Center sa lahat ng palengke sa buong kapuluan. Layon ng batas na mabigyan ang publikong mamimili ng epektibong paraan na masuri ang kawastuan ng timbang at bilang ng kanilang mga binibili. Layon din nitong sugpuin ang pandaraya at iregularidad na ginagawa ng ilang nagtitinda. Ang ilan pang panukala na inaprubahan sa huling pagbasa ay: 1) HB 10296, na nagpapasidhi sa pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan sa pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng pagtataas ng share ng mga lokal na pamahalaan sa pambansang buwis; 2) HB 10303, na magbibigay ng mas malakas na pamamaraan upang mapangalagaan ang mga lupaing pangsakahan at regulasyon sa conversion nito sa layuning hindi pang-agrikultura; at 3) HB 10305, na nagmamandato sa pagpapatugtog ng mga musikang Pilipino sa mga hotel, resort, restoran, mga bus na pang-turista, at lahat ng mga lumalapag na pandaigdigang eroplano papasok sa ating bansa. Ang hybrid na sesyon ay pinangunahan ngayong araw nina Deputy Speakers Juan Pablo Bondoc at Kristine Singson-Meehan. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV