Nagsagawa ng pagsisiyasat noong nakaraang Lunes sa isang online meeting ang Committee on Public Accounts sa Kamara, sa pamumuno ni Rep. Jose Singson Jr., hinggil sa katayuan sa koleksyon ng buwis ng Bureau of Customs (BOC), bago at sa panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19, batay sa House Resolution 2135 na inihain ni Singson.
Ipinaalam ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa Komite na ang koleksyon ng kita ng ahensiya mula Enero hanggang Oktubre 2021, ay nasa ₱525.36-bilyon na, lampas sa target na koleksyon na ₱513.19-bilyon para sa taong ito.
Bukod dito, sinabi ni Guerrero na bago ang pandemya, nakuha ng BOC ang pinakamataas nitong koleksyon na ₱630.31-bilyon noong Enero hanggang Disyembre 2019.
Para sa Enero hanggang Disyembre 2020, ang kabuuang koleksyon ng BOC ay ₱537.68-bilyon na mas mababa ng 14.7 porsiyento kaysa sa nakaraang taon, dahil sa mga epekto ng pandemya sa kalakalan at komersyo.
Gayunpaman, lumampas pa rin ang koleksyon ng kita noong nakaraang taon sa puntirya nitong ₱506.15-bilyon.