Upang ipagdiwang ang Buwan ng Kapulungan ng mga Kinatawan 2021, hinikayat ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), na pinamumunuan ni SAA Ret. Police Major General Ma O Aplasca ang mga opisyal ng Secretariat at mga kawani na maging eco-friendly sa pamamagitan ng "DIY Recycle, Reuse, Repurpose" webinar na ginanap ngayong Martes.
Sinikap nitong itaas ang kamalayan ng mga kawani ng Kapulungan, kung papaano pamahalaan ang kanilang mga basura at gawing kapaki-pakinabang ang mga recyclable na materyales. Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng kaniyang suporta si Secretary General Mark Llandro Mendoza sa pagsisikap ng Kapulungan na tumulong sa pangangalaga sa kapaligiran, at nabanggit niya na si Speaker Lord Allan Velasco ay nagpasimula rin ng mga plano at programa, na naglalayong bawasan ang basura sa loob ng Batasan Complex.
Tinalakay naman ni The Plastic Flamingo (The Plaf) Communication and Marketing Associate Allison Audrey Tan sa webinar ang kanilang misyon na makipag-ugnayan sa mga sambahayan, na gawing matibay na eco-lumber ang mga basurang plastik, gayundin kung papaano makakapag-ambag ang mga dumalo sa proyekto ng The Plaf.
Nagpalabas naman ng mga video ang OSAA na nagtatampok ng do-it-yourself na mga gamit sa bahay, at mga dekorasyon na maaaring gawin ng mga kawani gamit ang mga recyclable na materyales.
Naglaan din ng oras si Aplasca upang pag-usapan ang mga pagbabagong naidagdag, upang mas mapaigting ang kaligtasan at seguridad sa Kapulungan na inilatag ni Speaker Velasco at ng mga opisyal ng Kapulungan, upang gawin itong isa sa pinakaligtas na institusyon ng pamahalaan sa bansa.
“Ginagawa natin ito para maprotektahan natin ang ating mga empleyado, our respective families, and communities. Kailangan po namin ang inyong pang-unawa at kooperasyon,” aniya.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV