Wednesday, October 27, 2021

WEBINAR SA DATA PRIVACY SA NEW AT NEXT NORMAL, ISINAGAWA NG KAPULUNGAN

Nagdaos ngayong Martes ang Information and Communications Technology (ICT) ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ng isa pang webinar bilang bahagi ng pagdiriwang ng HRep Month 2021, na may pamagat na “Data Privacy in the New and in the Next Normal: Life amidst the Pandemic.”


Sinabi ni Dir. Atty. Vaneza Defensor ng Office of the Secretary General (OSG), na ang mga palagiang pagsasanay at kamalayan, tulad ng webinar sa data privacy, ay nagbibigay sa empleyado ng Kapulungan, na muling balikan ang mga pinagtibay na haligi ng pagsunod sa kasalukuyang mga kalagayan, kung saan ang lahat ay halos ginagawa online.


Binanggit niya na ang House Data Privacy Committee sa pamumuno ni Legislative Operations Department (LOD) Deputy Secretary General (DSG) Atty. Dave Amorin, ay ginawa na ang mga alituntunin sa data privacy at data breach.


Bukod dito, sinabi niya na ang Kapulungan ay nagpatibay ng mga patnubay na agency-specific at nagpatupad ng mga patakaran, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad para sa personal na data, at sensitibong personal na impormasyon.


Nakipagtulungan ang House ICT at OSG sa National Privacy Commission (NPC), para itaas ang kamalayan tungkol sa kung paano mas mapoprotektahan ang personal na data, at sensitibong impormasyon bilang isang institusyon. Sinabi ni NPC Policy Review Division Chief at Atty. Vida Zora Bocar na masusing tinalakay ang pinasimpleng limang haligi ng pagsunod sa Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act (DPA) of 2012, para sa parehong pampubliko at pribadong sektor.


Ito ay: 1) pagtatalaga ng Data Protection Officer (DPO), ang focal person na magtitiyak ng proteksyon ng mga karapatan at obligasyon sa privacy ng data, sa loob ng ahensya; 2) pagsasagawa ng Privacy Impact Assessment (PIA), upang suriin ang mga banta sa privacy at mga panganib sa pagproseso ng personal na data; 3) Privacy Management Program (PMP), na nagsisilbing gabay ng ahensya para sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng personal na data; 4) pagpapatupad ng PMP sa pamamagitan ng Security Measures, upang magarantiya ang pagiging epektibo ng mga alituntunin sa privacy ng data na ipinataw sa loob ng ahensya; at, 5) Data Breach Response, na isang diskarte para sa pagpigil at pagpapagaan sa mga epekto ng personal na data breach.


Binanggit din ni Bocar na ang lahi, etnikong pinagmulan, relihiyon at pulitikal na kaugnayan, kalusugan, genetic o sekswal na buhay, gayundin ang mga personal na numero na ibinigay ng gobyerno ay lahat ay itinuturing na sensitibong personal na impormasyon.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV