Tuesday, October 19, 2021

-VIRTUAL PAINTING CONTEST PARA SA MGA KAWANI NG KAMARA PARA SA PAGUNITA NG HREP MONTH, ISINAGAWA

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Kamara de Representantes 2021, ang Inter-Parliamentary and Public Affairs Department (IPAD) ay nagsagawa ng isang virtual painting contest kahapon (ngayong) Lunes na may pamagat na: “Portraits of Hope: Hope and Filipino Resilience in the Time of the COVID,” para sa kapakanan ng mga empleyado ng Kamara na naapektuhan ng COVID-19.

Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni IPAD Deputy Secretary-General Atty. Grace Andres, na ang kaganapan ay pagpapakita ng pagiging makasining at malikhain ng mga Housemates, kabilang na ang pagpapahayag ng pakikiisa sa mga pamilya ng mga kasamahan, na nasawi dahil sa COVID-19.

Sinabi ni Andres na: “As we celebrate this year’s HRep Month with the theme “Kayang-kaya sa Gitna ng Pandemya”, we are reminded that despite the bleak circumstances that we find ourselves in, there are glimmers of hope that there will eventually be an end to the pandemic.”

Ayon sa kanya, ang mga likhang sining ay isusubasta sa pamamagitan ng Facebook sa HRep Community Page, at ang mga malilikom ay ipamamahagi sa mga pamilya ng mga namatayan.




Habang malugod na tinatanggap niya ang lahat sa makabuluhang kaganapan, umaasa si Andres na ang virtual paiting contest ay magiging isa sa maraming mga pagkukusa na maaaring magbigay ng mas matatag na kooperasyon sa loob ng komunidad ng Kapulungan ngayong panahon ng kagipitan.

(Ang mga kinatawan mula sa iba't ibang mga clusters na lumahok sa aktibidad ay:  Cluster 1- Robert Ocon; Cluster 2 - Sarah Dacara at Raymond Kiel Neypes; Cluster 3 - Katrina Jane Oprenario at Maria Josefina Ricafort; Cluster 4 - Medardo Oandasan at Lourdes Bernadette de los Reyes; at Cluster 5 - Alma Ferancullo at Robie Joy Nieves.

Ang mga hurado sa paligsahan ay sina Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan, Committee on Creative Industry and Performing Arts Chairperson at Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, Secretary General Mark Llandro Mendoza, Office of the Speaker Deputy Secretary General Atty Jocelia Bighani Sipin, at Office of the Secretary General Executive Director Corazon Alano. Huhusgahan ng mga hurado ang mga likhang sining batay sa mga sumusunod na pamantayan: Pagbibigay-kahulugan sa tema, 25%; Pagkamalikhain at Orihinalidad, 25%; Kalidad ng artistikong komposisyon at pangkalahatang Disenyo batay sa tema, 25%; at pangkalahatang Impresyon ng sining, 25%.)

Ang mga nilikhang sining ay makikita sa HRep Community Facebook Page, at ang likes at reacts sa bawat pagpipinta ay magiging 20 porsyento ng kabuuang bigat na iskor. Ang mga opisyal na hukom ay magbibigay ng 80 porsyento ng kabuuang bigat na puntos.

Para sa mga premyo, ang pangalawang runner-up ay gagawaran ng P2,000; first runner-up, P3,000; at ang mananalo, P5,000. Samantala, ipinahayag ni Andres ang kanyang pagpapahalaga at pasasalamat sa Information and Communications Technology Service (ICTS), at sa Human Resource Management Service (HRMS), para sa kanilang suporta at tulong sa idinaos na paligsahan.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV