Inalam ng Committee on Energy na pinamunuan ni Deputy Majority Leader Juan Miguel ‘Mikey’ Macapagal Arroyo sa pamamagitan ng pagdinig noong nakaraang Biyernes para alamin ang dahilan ng problema sa suplay ng kuryente sa mga lalawigan ng Negros at Iloilo na nagresulta sa paglobo ng presyo ng elektrisidad sa nabanggit na mga probinsiya.
Batay sa House Resolution na 2206 na inihain ni Negros Occidental Third District Representative Francisco Benitez, ang power rate hike ay dahil umano sa mga nasirang submarine cable kasabay ng dredging activity ng Department of Public Works and Highways na kalaunan ay nagresulta sa power outages.
Inabisuhan naman ni Department of Energy Director Mario Marasigan ang mga kooperatiba na maghanap muna ng mas murang pagkukuhanan ng kuryente para mapababa ang electricity rates sa Western Visayas.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) posibleng sa Pebrero pa makumpleto ang repair sa nasirang Amlan-Samboan cable kung papalarin.
Ang naturang kable ang nagkokonekta sa Cebu at Negros grid.
Ipinakita naman ni Randy Galang sa mga mambabatas ang timeline ng repair ng NGCP.
“The other one is still intact — the remaining 90 megawatts. So there are two circuits connecting Cebu and Negros,” sinabi ni Galang.
Maliban sa pagtukoy sa problema, kumuha rin ng komento ang kumite sa mga power consumers sa pamamagitan ng Power Watch Negros Advocates, Freedom from Debt Coalition – Negros, Kuryente.org at Alliance of Concerned Transport – Occidental Mindoro.
Aalamin rin ng Kamara ang posibleng agarang solusyon na kanilang magawa kabilang na ang mid-term at long-term solutions para sa price hike at power outages.