Inaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa kagabi (Huwebes) ng Kamara de Representantes ang panukalang pambansang badyet para taong 2022 na nagkakahalaga ng ₱5.024-trilyon, na nakatuon sa pagbabalik ng Pilipinas sa landas tungo sa ganap na pag-ahon mula sa krisis dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na itong fiscally responsible budget offers a blueprint upang matulungan ang bansa na ganap na maka-recover sa mapaminsalang epekto ng pandemic and chart a better path forward, matapos ipinasa ang pinakahuling badyet na isasabatas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa botong 238-6-0
Nauna nang itinakda ng liderato ng Kamara sa ika-30 ng Setyembre bilang petsa sa pagpasa ng napakahalagang pondo, sa huling araw ng sesyon bago mag-adjourn para sa isang buwang bakasyon, at panahon ng pagsusumite ng certificates of candidacy ng mga tatakbong kandidato sa Mayo 2022 na halalan.
Ayon kay Velasco, labis na napakahalaga na maipasa ang 2022 General Appropriations Act sa tamang oras, upang maiwasan ang re-enacted na programa sa paggasta, at mabigyang daan ang walang patid na operasyon ng pamahalaan, habang patuloy na nakikipaglaban ang buong bansa sa COVID-19.
NAPAPANAHONG PAGPASA NG HULING PONDO NI PRRD, PINURI NI SPEAKER VELASCO
“The swift and smooth passage of the proposed 2022 national budget shows our collective commitment and resolve to help our kababayans and economy build back better and hasten economic recovery through the effective delivery of government services,” ani Velasco sa kanyang adjournment speech.
Ang pag-apruba ng Kapulungan sa badyet ay umabot ng lagpas isang buwan matapos na isumite ni Pangulong Duterte – sa pamamagitan ng Department of Budget and Management – sa Kapulungan ang National Expenditure Program (NEP), na tumulong sa mga mambabatas para repasuhin at talakayin ang panukalang pambansang badyet sa susunod na taon.
Matapos na matanggap ang NEP noong ika-23 ng Agosto, kagyat na inupuan ng seryosong pagtatrabaho ng mga mambabatas, ang pagrepaso at pagbusisi sa pondo ng lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Sa buong proseso, buong karangalang sinabi ni Velasco na ang bulwagan ng Kapulungan ay hindi lang “committed and delivered a budget responsive to the needs of our people,” kungdi nagpatupad din ng mga reporma upang matiyak ang napapanahong pagpasa nito.
“When all is said and done, we hope that our people can look back at this period and see that we have done our duties despite the present crisis. We pushed for the budget, but always with respect to the concerns of the Minority,” ani Velasco.
Ipinahayag ni Velasco ang kanyang pasasalamat sa lahat ng mga mambabatas ng Kapulungan at mga kawani, upang matiyak na matagumpay na maisasakatuparan ng lehislatura ang kanilang mandato, na mabusisi at maaprubahan ang taunang badyet.
Patikular na pinasalamatan ng pinuno ng Kapulungan ang mga Deputy Speakers, si Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, Minority Leader Joseph Stephen Paduano, Chairman Eric Yap at mga Vice Chairpersons ng Komite ng Appropriations, ang Secretariat, congressional staff, mga security personnel at admin support staff, at mga frontliners ng House Medical Service, sa kanilang dedikasyon at kasipagan sa trabaho.
“In the end, we have collectively moved to make a difference for our country. Ito ang budget ng bayan, para sa bayan,” ani Velasco.
Samantala, ipinahayag ni Velasco ang kanyang pasasalamat kay Pangulong Duterte sa kanyang sertipikasyon sa 2022 General Appropriations Bill bilang urgent, na nagbigay daan sa Kapulungan na ipasa ang panukala sa ikatlong pagbasa nang madalian, matapos na aprubahan ito sa ikalawang pagbasa.
“The President’s certification allowed us to fulfill our commitment to pass the measure before we go on a month-long break so there will be sufficient time to enact the national budget before the year ends,” aniya.
Ang panukalang P5.024-trilyong pambansang pondo para sa susunod na taon ay katumbas ng 22.8 porsyento ng gross domestic product ng bansa, at mas mataas ng 11.5 porsyento kesa sa 2021 badyet.
Bawat sektor, inilaan ang pinakamalaking bahagi ng 2022 badyet sa social services na may P1.922-trilyon, na popondo sa mga serbisyong may kaugnayan sa kalusugan tulad ng patuloy na implementasyon ng Universal Health Care Act, pagbili ng mga bakuna para sa COVID-19, pagbili ng mga personal protective equipment, at iba pa. Mga programang may kaugnayan sa edukasyon, kasama na ang implementasyon ng Universal Access to Tertiary Education, ay kasama rin sa prayoridad.
Kasunod nito ay sektor ng mga serbisyong pang-ekonomiya, na may P1.474-trilyon na malawakang susuporta sa mga pangunahing programa sa ilalim ng programang imprastraktura ng “Build, Build, Build.”
Ang sektor naman ng general public services ay may P862.7-bilyon, pambayad-utang na P 541.3-bilyon, at ang sektor ng tanggulang bansa na may P224.4-bilyon.
Sa mga kagawaran at ahensya, ang sektor ng edukasyon na nasa ilalim ng Department of Education, State Universities and Colleges at Commission on Higher Education ang nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon na may P773.6-bilyon.
Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways na may P686.1-bilyon; Department of Interior and Local Government, P250.4-bilyon; Department of Health at Philippine Health Insurance Corporation, P242-bilyon; Department of National Defense, P222-bilyon; Department of Social Welfare and Development, P191.4-bilyon; Department of Transportation, P151.3-bilyon; Department of Agriculture at National Irrigation Authority, P103.5-bilyon; ang Judiciary, P45-bilyon; at Department of Labor and Employment, P44.9-bilyon. #