Monday, October 25, 2021

MGA PROGRAMA SA KALUSUGANG PANGKAISIPAN, ISINULONG SA KAMARA NA MABIGYANG PRAYORIDAD

Nanawagan si San Jose Del Monte City Rep Florida Robes na bigyang prayoridad ang kalusugang pangkaisipan sa gitna ng lumalaking bilang ng insidente ng depresyon at pagpapakamatay sanhi ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Binigyang diin ni Robes na lumolobo ang bilang ng tinatamaan ng sakit sa pag-iisip sa nakalipas na dekada na lalo pang pinalala ng pandemya.


Sinabi ng mambabatas, isa sa mga guest speaker sa Philippine Press Institute online forum, nasa 5% lamang ng pondo ng Department of Health (DOH) ang nakalaan sa mental health program.


Ayon sa kanya, marami siyang natanggap na ulat sa isyu ng kalusugang pangkaisipan sanhi ng kawalan ng katiyakan na dulot ng pandemya.


Ito aniya ang dahilan kaya’t naghain siya ng panukalang batas, ang House Bill 9980 na magtatatag ng mental health clinic sa San Jose Del Monte City sa Bulacan na magiging kauna-unahan sa bansa sa oras na maipasa bilang batas.






Noong nakaraang buwan ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukala at hinihintay na lang ang pag-apruba rito ng Senado.


Sinabi pa ni Robes na popondohan ng pamahalaang lungsod ng SJDM ang itatayong mental health clinic sa pakikipag-ugnayan sa DOH. Magkakaloob ito ng serbisyo kabilang ang counselling at theraphy, crisis counseling at intervention, medication, evaluation and management, group therapy, mindfulness meditation, after-hours care at iba pang serbisyong may kaugnayan sa pangkaisipan.


Bukod pa aniya rito ang pagbibigay ng psychotherapy sa pasyenteng dumaranas ng maraming karamdaman sa utak tulad ng management of difficult emotions, pagkabalisa at pagkakunsumi, childhood trauma, isyung pang-kultura, life transitions, depresyon, parenting issues, post-traumatic stress disorder, domestic abuse pati na ang family at interpersonal conflicts


Inakda rin ni Robes ang iba pang panukalang batas na naglalayong palakasin ang serbisyong pangkalusugan ng kaisipan sa paaralan, kolehiyo at unibersidad. Sinabi niya na ang HB 10284 o ang An Act Strengthening the Mental Health Services of State Universities and College at ang HB 10327  o ang An Act Strengthening the Promotion and Delivery of Mental Health Services Through Hiring and Deployment of Mental Health Professionals ay inaprobahan na ng Committee on Health at nakatakda ng aprobahan sa ikalawang pagbasa sa pagbubukas ng Kongreso sa susunod na buwan. RNT