Tuesday, October 12, 2021

-MGA PAHAYAG NG OCTA RESEARCH HINGGIL SA COVID-19, DAPAT PANAGUTAN NITO AYON SA KOMITE SA KAMARA

Tinapos na kahapon, Lunes ng Committee on Good Government and Public Accountability sa Kamara, sa pamumuno ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay ang pagsisiyasat hinggil sa mga taya at agarang pahayag ng OCTA Research Team sa COVID-19.


Bagaman ito ay isang pribadong kompanya ng pananaliksik, sinabi ni Aglipay na may sapat pa ring kapangyarihan ang Komite sa OCTA Research Team dahil ilan sa mga miyembro nito ay tumatanggap ng pondo galing sa pamahalaan mula sa Bayanihan 2.


Samantala, sinabi ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na ang mga hula ng OCTA Research Team sa pag-akyat ng COVID-19 ay mas negatibo kung ihahambing sa aktwal na datos.


Sinabi ni Quimbo na ito ay maliwanag sa kasagsagan ng pag-akyat ng COVID-19 Delta variant noong nakaraang buwan, kung saan ang mga pahayag ng OCTA team hinggil sa "peaks" ay hindi tumpak.


Aniya, kailangan tuloy ng Department of Health (DOH) at Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na umikot sa mga programa ng radio, at Telebisyon upang maiwasan ang pagkasindak at pagkabalisa ng publiko at dahilan na malubhang naapektuhan ang mga negosyo.






Gayundin, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na ang DOH ay maingat sa mga anunsyo hinggil sa COVID-19, dahil may mga iba pang kadahilanan na dapat isaalang-alang.


“We always say we are accountable to the public. We need to give them the right interpretation, we need to direct them on what they should do, and we cannot add on to that fear and anxiety of people,” aniya.


Parehong iminungkahi ni Quimbo at Deputy Speaker Bernadette Herrera na mas mainam kung ang DOH, IATF Data Analytics Group at mga eksperto sa kalusugan ng OCTA ay magtulungan upang makabuo ng tumpak na datos ng COVID-19.


“Let’s collaborate para naman mas maintindihan ‘yung data at hindi tayo naglalabas basta-basta ng data na nagkaka-cause ng panic sa mga tao,” ani Herrera. Hinimok din niya ang DOH at OCTA Research Team na ituon ang pansin sa COVID-19 recovery rate ng bansa. Pinayuhan naman ni Aglipay ang OCTA na ayusin at kontrolin ang kanilang mga pahayag sa publiko, na direktang nakakaapekto sa kampanya ng impormasyon sa publiko ng DOH.


“We just want what Usec Vergeire wants, which is create something that the public can use and analyze, and make them informed rather than set confusion, which is at times she said, that is what is happening,” ani Aglipay.


Ang HR 2075 ay inihain upang alamin ang mga kwalipikasyon, pamamaraan ng pagsasaliksik, pakikipagsosyo, at komposisyon ng OCTA Research Philippines.


Ang resolusyon ay inihain nina Deputy Speakers Bernadette Herrera at Kristine Singson-Meehan, Deputy Minority Leader Stella Luz Quimbo, Deputy Majority Leader Jesus Suntay at AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV