Nagdaos ngayong Lunes ang Early Childhood Care and Development Center (ECCDC) sa Kapulungan ng mga Kinatawan, ng isang online na pagtatanghal para sa United Nations (U.N.) Month, kasabay ng pagdirwang ng HRep Month 2021.
Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Director Anabelle Hufanda, Officer-in-Charge ng Human Resource Management Service (HRMS), na ang 2021 United Nations Program ng HRep-ECCDC ay isang paalala, na dapat nating tanawin ang makabuluhang hinaharap.
Binanggit niya na binibigyang-diin ng programa ang kahalagahan ng matibay na pagsasamahan, sa pagitan ng mga bata at kanilang mga pamilya.
Ang bawat mag-aaral sa pre-kindergarten 1 at 2 ng HRep ECCDC ay nagdaos ng virtual na pagtatanghal, kasama ang kani-kanilang pamilya, upang ilarawan ang mga iba’t ibang kultura, sayaw at mga lokal na pagkain ng iba’t ibang bansa sa mundo. Kumatawan ang mga bata sa mga bansa ng Pilipinas, India, China, Indonesia, Kingdom of Saudi Arabia (KSA), Japan, Egypt, Greece, United States of America (USA), South Korea, Samoa, Fiji Island, Portugal, France, Canada, Mexico at Hawaii. Sama-samang sumayaw din ang mga bata ng HRep Pre-K 1 at 2 sa online, sa himig ng “I’ve Got Peace Like a River” at “Can’t Stop that Feeling.”
Samantala, pinaalalahanan ni Administrative Department Deputy Secretary General (DSG) Dr. Ramon Ricardo Roque, CESO I, Diplomate, ang bawa’t isa sa misyon ng UN, na magkaisa ang mga bansa upang makamtan pandaigdigang kapayapaan at pagkakaisa.
Bukod rito, sinabi niya na dapat tayong magsimula sa ating mga anak at kaapo-apuhan, kung nais nating makabawi sa makatarungan at napapanatiling daigdig.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV