Monday, October 11, 2021

-HATAMAN, MULING TATAKBO BILANG KINATAWAN NG BASILAN SA KAMARA SA DARATING NA ELEKSYON

Naghain muli ng certificate of candidacy COC si House Deputy Speaker Mujiv Hataman sa pagkakongresista ng Basilan sa 2022 elections.

Sinamahan si Hataman ng kanyang asawang si Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman at mga anak na sina Amin at Umara nang maghain ito COC nitong Biyernes sa Commission on Elections (Comelec) provincial office sa Isabela City.


Sinabi ni Hataman na marami na siyang magagandang nasimulan para sa Basilan ngunit hindi pa tapos umano ang laban – ang laban sa kahirapan, ang laban sa terorismo, ang laban para sa maayos na kabuhayan, at laban sa anumang uri ng diskriminasyon.


Bago muling naging kongresista noong 2019, si Hataman ay regional governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) hanggang mabuwag ito at palitan ng Bangsamoro ARMM.


Si Hataman ang may-akda ng panukala na gawing Basilan State University ang Basilan State College, ang unang unibersidad sa probinsya.





Isinusulong din niya ang pagkakaroon ng Basilan Science High School, TESDA sa Isabela City, Basilan Sports Academy, at sangay ng pamahalaan na mangangalaga sa traditional arts sa Mindanao.


Itinutulak din ni Hataman ang panukalang Marawi Siege Compensation Act na nakabinbin ngayon sa Senado.