Tuesday, October 26, 2021

-CAYETANO, MASAYA SA KANYANG PAGIGING INDEPENDENT SENATORIAL CANDIDATE

Nagpahayag ng kagalakan si dating House Speaker at incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa pagiging independent candidate sa kanyang pagtakbo sa pagka-senador sa 2022 elections


Sinabi ni Cayetano na masaya siya bilang isang independent at sa palagay daw niya, puwede niyang kausapin ang lahat na mga presidentiables na payag makipag-usap sa kanya.


Nagtungo si Cayetano kahapon sa Lucena City, Quezon upang makipag-usap sa mga coconut farmer.


Binigyan ni Cayetano ng kopya ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magniniyog bilang simbolo ng pagtupad sa kanyang pangako.


Noong kampanya para sa 2016 elections, nangako si Cayetano at si Duterte sa mga coconut farmer ng Lucena na tutulungan ang mga ito. Si Cayetano ang running mate ni Duterte.





“It’s more sentimental, because we made a promise to coconut farmers together dito sa Quezon,” sabi ni Cayetano.


Dagdag pa ng mambabatas: “First and foremost, it’s our campaign promise of Duterte-Cayetano (to) farmers, coco farmers, secondly I was the principal author (in the) House. So I’m here to support that.”


Inamin ni Cayetano na hindi ito pabor sa lahat ng ginawa ng administrasyong Duterte pero marami rin naman umano itong tamang ginawa.


Mayroon pa umanong “last two minutes” ang administrasyon para tapusin ang mga natitira nitong proyekto at programa.


“At di ba tayong mga Pilipino, mahilig tayo sa basketball e, so yung last two minutes napaka-importante. Ang daming projects na pwedeng tapusin in the ‘last two minutes,’” sabi pa ni Cayetano.


Si Duterte ay manunungkulan hanggang Hunyo 2022. (Billy Begas)


Cayetano masaya sa pagiging independent