Ipinagpatuloy (ngayong araw) kahapon ng Committee on Good Government at Public Accountability sa Kamara, na pinamunuan ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay, ang kanilang motu propio na imbestigasyon sa mga natuklasan ng Commision on Audit (COA), hinggil sa mga biniling medikal at health safety equipment ng Department of Health (DOH), sa pamamagitan ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
Dahil dito, tiniyak ni Aglipay na determinado ang Komite na magsagawa ng isang masusi at mabilis na pagsisiyasat.
Sa idinaos na pagdinig, binanggit ni dating PS-DBM Executive Director Lloyd Lao na ang PS-DBM ay nakipag-partner sa mga nagsusuplay, na mayroong kakayahang teknikal at pinansyal, upang makapamahagi ng pangangailangan ng pamahalaan nang tumama ang pandemya sa bansa.
Ipinaliwanag din niya na kailangang ipagawa ng DOH sa PS-DBM ang pagbili ng mga medical equipment na hindi lokal na nabibili.
Sinabi nina Lao at dating PS-DBM Director Warren Rex Liong na ang aktibidad ng PS-DBM ay kanilang ginawa para sa kabutihan ng bansa at sambayanang Pilipino.
Samantala, inako ni Pharmally Board Member Huang Tzu Yen na kanilang tiniyak na makakasunod ang kanilang kompanya sa mga rekisitos ng pamahalaan, upang hindi sila ma-blacklisted.
Idinagdag rin niya na ang kanilang kompanya ay tinulungan ng kanilang “friends” na si Economic Adviser Michael Yang, upang makumpeto nila ang paghahatid ng produkto.
Nang tanungin ni PHILRECA Rep. Presley de Jesus kung papaano mapoprotektahan kapag bumili ng pangangailangan sa panahon ng kagipitan, tumugon si Liong na, “Hindi magbabayad kung hindi dumating, na-inspect, at natanggap ang mga produkto.”
Iginiit niya ang kanyang pahayag noong nakaraang pagdinig na hindi nagbigay ng paunang bayad ang PS-DBM, at binayaran lamang aniya ang mga suplayer, matapos na makita at masuri kung nakatugon ba sa pamantayan ng DOH, at matanggap ng ahensya.
Muling magpupulong ang Komite sa ika-27 ng Setyembre 2021, ganap na alas 11 ng umaga, upang mabigyan ang mga ahensya at mga indibiduwal ng sapat na panahon, para makapaghanda ng kanilang mga dokumento na hinihiling ng mga mambabatas.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV