Wednesday, September 01, 2021

-PAGPASA NG PANUKALANG ‘HIDILYN DIAZ’, PINURI NI SPEAKER VELASCO

Nagkakaisang inaprubahan kahapon ng Kamara, ang panukala na maglilibre sa buwis para mga insentibo, gantimpala, at mga bonus na matatanggap ng mga pambansang atleta at kanilang mga tagapagsanay, lalo na ang mga nakipagtunggali sa katatapos na Tokyo Summer Olympics.

Sa botong 205, inaprubahan ng Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang bipartisan House Bill 9990 o ang “Hidilyn Diaz Act” na iniakda nina Speaker Lord Allan Velasco at 90 iba pang mambabatas na nabibilang sa parehong majority at minority blocs.


Sinabi ni Velasco na ang pagpapalibre sa buwis na isinasaad sa panukala ay “represent the token of gratitude and appreciation of Congress and the entire nation to Filipino athletes who have brought joy, pride and glory to the country.”


“This is our way of giving back to our exceptional national athletes, a well-deserved reward for their perseverance and hard work,” punto ni Velasco.


Dahil sa inspirasyong idinulot ng makasaysayang medalyang ginto na napagwagian ng weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Tokyo Games, layon ng HB 9990 na amyendahan ang Republic Act 10699, o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act na isinabatas noong 2015.






Hangarin nito na ilibre sa buwis ang mga insentibo, gantimpala, bonuses at iba pang uri ng kabayaran, kabilang na ang mga donasyon, regalo, kaloob at mga kontribusyon, mula sa mga pribado o pampublikong grupo o mga tao, na matatanggap ng mga pambansang atleta na nakipagtagisan ng lakas at nagtagumpay sa isang international sports competition. Ang panukalang paglilibre sa buwis ay sasaklawin din ang mga insentibo at gantimpala na matatanggap ng kanilang mga tagapagsanay.


Nagpahayag si Velasco ng pasasalamat kay Komite ng Ways and Means sa Kapulungan Chairman Rep. Joey Salceda, at iba pang mga may-akda ng panukala sa kanilang “enthusiastic support” sa HB 9990.


“With additional support and financial incentives such as those provided in HB 9990, we hope to encourage more local athletes to push themselves further and continue to bring honor to the Philippines,” dagdag pa niya.


Nauna nang pinagtibay ng Kapulungan ang resolusyon – na pangunahing ini-akda nina Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano – na bumabati at nagpapasalamat sa buong delegasyon ng Pilipinas sa Olimpiyada, sa kanilang “highly successful and historic performance” sa 2020 Tokyo Games.


“The exceptional and remarkable finish of the athletes and their coaches during the 2020 Tokyo Olympics Games highlights the indomitable Filipino spirit to rise above adversities and ushers in a new era of sports heroes who bring joy and inspiration to our fellow Filipinos amid the difficult conditions brought about by the pandemic,” ito ay ayon sa tatlong pinuno ng Kapulungan sa kanilang resolusyon.


Binanggit ng mga lider ng Kapulungan kung papaano nangibabaw ang Pilipinas bilang pinakamagaling na gumanap na bansa sa Timog-Silangang Asya sa Tokyo Olympics at nilampasan ang kanilang tatlong tansong medalya na nakamit sa Los Angeles Games noong 1932.


Ang makasaysayang tala, ayon sa kanila, ay nakamit ng delegasyon ng Pilipinas sa Olimpiyada na kinabibilangan ng 19 atleta, kasama ang kani-kanilang mga tagapagsanay, na nakipagtunggali sa 11 iba’t ibang larangan ng palakasan.


Sinabi nila na ang mga Pilipinong atleta, kasama ng kanilang mga tagapagsanay “displayed their sportsmanship during the global multi-sports event and secured a spectacular four-medal haul,” kasama na ang medalyang ginto ni Diaz, dalawang medalyang pilak nina Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at isang medalyang tanso ni Eumir Marcial.


Pinangunahan ni Diaz ang grupo ng mga atletang Pilipino sa pagwawagi ng kauna-unahang gintong medalya ng Olimpiyada para sa bansa, na nagwakas sa 97 taong paghahangad sa mailap na ginto; samantalang sina Petecio, Paalam at Marcial ay ipinakita ang kanilang kaibahan sa pagrerepresenta ng matagumpay na grupo ng mga boksingero sa kasaysayan ng bansa.


Pinagtibay din ng Kapulungan ang apat pang hiwalay na resolusyon, na naggagawad ng Congressional Medal of Excellence kay Diaz at ang Congressional Medal of Distinction naman kina Petecio, Paalam at Marcial. #