Pinuri ni Speaker Lord Allan Velasco bilang isang major step to prevent voter disenfranchisement ang pagpasa ng Kamara kahapon sa panukala na nagpapalawig sa rehistrasyon ng mga botante para sa May 2022 na pambansa at lokal na halalan nang isang buwan.
Nagpasalamat si Velasco sa kanyang mga kapwa mambabatas sa kanilang pagsuporta sa House Bill 10261 na kanyang inihain, kasama sina Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano.
Sa 193 pabor na boto, walang negatibo at walang abstensyon, inaprubahan ng Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na nagtatakda sa huling araw ng rehistrasyon ng mga botante sa, “30 days after the effectivity” ng naturang panukala.
Kapag naisabatas ang panukala, ang Commission on Elections (COMELEC) ay aatasang palawigin ang panahon ng rehistrasyon ng mga botante, na nakatakdang magtapos sa ika-30 ng Setyembre.
“We hope the Comelec will use the one-month extension to ramp up voter regisytration and ensure that more people can vote next year because we cannot afford to disenfranchise voters,” ani Velasco.
Nauna nang hinimok ng pinuno ng Kapulungan ang Comelec na sikaping matiyak na ang lahat ng Pilipino ay makakaboto sa Mayo 2022 halalan.
Ayon pa sa kanya, hindi dapat na hayaan ng Comelec ang proseso ng demokrasya sa halalan na mahadlangan, dahil sa pandemya ng COVID-19, na may potensyal na magresulta sa malawakang pagkawala ng karapatan ng sambayanang Pilipino.
“The right to vote in an election is one essential part of the democratic process, and Comelec is duty bound to make sure that all eligible voters are able to register and exercise their right of suffrage,” ani Velasco.
Ang mga datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpapakita na 73 milyong botante ang kwalipikadong lumahok sa halalan sa Mayo 2022.
Iniulat naman ng Comelec na mayroon lamang 61 milyong rehistradong botante sa bansa, hanggang sa ika-23 ng Agosto. Nangangahulugan ito na mayroon pang 12 milyong karapat-dapat na Pilipino na kailangan pang magparehistro.
Naniniwala si Velasco na sa pagpapalawig sa rehistrasyon ng mga botante, ay maiiwasan ang “massive voter disenfranchisement” dahil sa “extraordinary circumstances” dulot ng pandemya ng COVID-19.
Ayon pa kay Velasco, ang anim na buwang supensyon sa rehistrasyon ng mga botante sa gitna ng pandemya noong 2020 ay naging hadlang sa maraming Pilipino, sa kanilang unang hakbang na makalahok sa halalan sa Mayo 2022.
Binanggit ni Velasco na ang rehistrasyon ay sinuspindi pa sa 2021 dahil sa pagpapairal ng iba’t ibang klase ng community quarantine sa buong bansa. #