Thursday, September 09, 2021

-OCTA, HINDI TATANTANAN NG IMBESTIGASYON, AYON SA ISANG LIDER NG KAMARA

Nangako ang isang lider ng Kamara na kanilang huhubaran kung sino man ang mga “financiers and real people” na nasa likod ng research group na OCTA, na bigla na lamang sumulpot sa gitna ng pandemya ng COVID-19.


Sa idinaos na pulong balitaan ng Ugnayan sa Batasan, binatikos ni Deputy Speaker Jose Atienza ang ayon sa kanya ay “continuing effort” na itago ang mga tunay na nasa likod ng OCTA, na nagpapalabas ng mga pahayag at hula kahit na ang kanilang layunin ay isang “political polling firm.”


“There is a continuing effort to hide their faces behind a mask. ‘Yong amin, pagsisikap lang para malaman ng taumbayan, sino itong OCTA at ano ba talaga ang pakay nito?” ani Atienza, matapos niyang ibasura ang mga kritisismo laban sa pagsisiyasat na pinasimulan ng Kapulungan hinggil sa mga kredensyal at operasyon ng naturang research group.


Sinabi niya na ang mga lihim na financiers ng OCTA ay “should properly be unmasked” upang malaman kung ano ba talaga ang tunay na motibo nila.






“Definitely may nagpo-pondo diyan. ‘Pag magpa survey ka, it will cost you at least P500,000, P1 million. I don’t think anyone is doing any survey for free. So mayroong nagpo-pondo. Sino? Eh tingnan natin, sino nakikinabang sa trabaho ng OCTA,” ayon sa beteranong mambabatas.


Sa naturang pulong balitaan, sinabi ni DIWA Rep. Michael Aglipay – na siyang chairman ng Komite ng Good Government and Public Accountability – na ang mga pagtaya ng OCTA ay madalas na labis, at ang kanilang mga kinatawan ay umaakto na parang mga “radio commentators” sa pag-aanunsyo ng mga pagtaas sa kaso ng sakit.


Sumailalim sa matinding paggisa ang Octa mula sa Kapulungan ng mga Kinatawan sa pagsisimula ng linggong ito, matapos ang malalimang pagbusisi ng mga mambabatas sa mga kredensyal at mga pamamaraan upang suriin ang mga datos, at paghula sa mga kaganapan sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa.


Inilunsad ng Komite ni Aglipay ang pagsisiyasat sa “qualifications, research methologies, partnerships and composition” ng OCTA, batay sa resolusyong inihain ng limang mambabatas na sina Deputy Speakers Bernadette Herrera at Kristine Singson-Meehan, Deputy Minority Leader Stella Luz Quimbo, at Reps. Sharon Garin at Jesus Suntay.


Nilinaw ni Aglipay na walang intensyon ang mga mambabatas na busalan ang bibig ng OCTA, subalit naniniwala sila na dapat lamang na pigilan nila ang kanilang sarili na magdeklara ng mga pagtaya at ulat bilang opisyal, dahil wala namang nagbigay sa kanila ng kapangyarihan mula sa pamahalaan.


“Never tayong mag-a-abridge ng right to speak. They can speak anytime, they can speak nonsense and they can speak against the government,” ani Aglipay.


“Ang ayaw natin ‘yong sinasabi nila na they are speaking officially, which they are not. They are not even part of the sub-technical working group on statistics of DOH and IATF. They have no official role.”


Pinayuhan ni Aglipay ang research group na maging tagapamagitan na lamang – “a private group that fiscalizes and sees to it that government does its job with their statistics.”


“Let science speak for itself, maging objective lang tayo. ‘Wag masyado komentaryo parang radio announcer na sila eh,” punto niya.


Sa kabilang dako, sinabi ni Atienza na dapat silipin ang awtoridad ng OCTA na magpahayag sa panahon ng pandaigdigang pandemya, lalo’t ang kanilang mga datos at mga hula ay may mahalagang impluwensya sa pamahalaan at sa mga tao.


“Napakalaki ng influence nila. Kung ano ang sinasabi nila, tinatanggap ng gobyerno, sinasalamin ng DOH, natatakot ang tao,” ani Atienza.


Idinagdag niya na: “The issue is more fundamental: ano ang kanilang authority to be speaking in the time of a pandemic? Sabi ko nga para tayong nasa giyera nito, we are at war with the virus. Emergency situation ito. Bakit bigla na lamang silang kasali sa usapan? They’re speaking for and in behalf of what?”


Binigyang-diin ni Atienza na dapat na mayroong isang pinagkukunan ng impormasyon sa panahong ito ng kagipitan sa bansa.


“We cannot allow just anybody on the basis of good intention to now get into the picture. In times of war, there shoul be one source of information. You cannot allow anybody to speak for and in behalf of the two forces fighting it out,” aniya #