Monday, September 20, 2021

-MALING COVID-19 TEST RESULT SA SUBIC NA ISINAGAWA NG PRC, TINALAKAY SA IMBESTIGASYON NG KAMARA

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Committee on good Government and Public Accountability sa Kamara, kinuwestiyon ni Deputy Speaker at SAGIP partylist Rep. Rodante Marcoleta ang diumano ay false positive results ng covid-19 sa Subic na isinagawa ng Philippine Red Cross (PRC).

Sa pagdinig ng komite na pinamunuan ni DIWA partylist Rep. Michael Edgar Aglipay hinggil sa kontrobersiyal na procurement ng mga pandemic items ng pamahalaan, napag-alaman ni Marcoleta na sa 49 na mga bakunado nang health personnel na na-test sa laboratoryo ng PRC, 44 ang tested positive sa covid-19, ngunit sa retest sa ibang pasilidad matapos ang tatlong araw ay ideniklarang negatibo ang mga ito sa virus.


Dahil dito, sinabi ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III na nagsagawa na sa kasalukuyan ng pagsisiyasat ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM), batay na rin sa complaint na natanggap ng DOH.