Thursday, August 26, 2021

-PANUKALANG 30-YEAR NATIONAL INFRASTRUCTURE PROGRAMA, APRUBADO NA

Inaprubahan na kahapon ang Committee Report hinggil sa panukalang 30-taong National Infrastructure Program ng bansa na isusomite ng Committee on Public Works and Highways sa Kamara, sa pamumuno ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona.

Sinabi ni CWS partylist Rep. Romeo Momo Sr., may-akda ng panukala na layon nito na maisasakatuparan ang pangmatagalang hangarin ng "Ambisyon Natin 2040 Program” na kung saan "sa kalagitnaan ng siglo, ang Pilipinas ay magiging progresibo, karamihan ay middle class, walang mahirap, ang mga mamamayan ay nagtatamasa ng malusog na buhay, matalino, makabago, at nakatira sa mga pamayanan na may mataas na pagtitiwala."


Ayon sa kanya, kinakailangan ng isang pangmatagalang programa dahil ang mga pangunahing proyekto sa imprastraktura ay: 1) sa pangkalahatan ay may masinsinang kapital, 2) tumatagal ng maraming taon upang maghanda, magdisenyo at magpatupad, at 3) ang kanilang epekto at buhay ay umaabot ng hindi bababa sa dalawang dekada.






Bukod dito, ang 30-taong National Infrastructure Program ay makatuwiran at walang putol na magkaugnay sa tradisyonal na anim na taong medium-term, at taunang mga programa sa imprastraktura ng bansa, ani Momo.


“This will ensure continuity in the development and implementation of projects in the 30-year program across administrations regardless of changes in the national leadership,” dagdag pa niya. Ang programa, na ipapatupad mula 2023 hanggang 2052, ay sumasaklaw sa mga larangan ng transportasyon, enerhiya, mapagkukunan ng tubig, ICT, panlipunan, modernisasyon ng agri-fishing, kabilang na ang logistic infrastructure.


Samantala, inaprubahan din ng Komite ang HBs 129, 4995, 1769, 1924, 2012, 3820, 4135 at 6225, na nagmamandato sa pambansang pamahalaan na maglaan ng pondo para sa akses sa malinis na tubig at pagbuo ng mga sistema ng patubig sa lahat ng mga barangay. Ipinasa rin ng Komite ang 30 panukala na magpapalit ng mga lansangan ng lokal/panlalawigan sa mga pambansang kalsada sa iba`t ibang mga bahagi ng bansa. Panghuli, inaprubahan ng Komite ang HB 9141, magpapalit sa pangalan ng Laboyao Bridge sa Brgy. Lonoy, Calbayog City sa Samar bilang Mayor Ronaldo P. Aquino Bridge, gayundin ang HB 9251, na nagpapalit sa pangalan ng Urdaneta City bypass road sa Pangasinan bilang Eduardo Cojuangco Jr. Avenue.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV