Tuesday, August 17, 2021

-PAGBALIK NG NIA SA DA, IMINUNGKAHI SA KAMARA

Panahon na para ibalik sa pamamahala ng Department of Agriculture (DA) ang National Irrigation Administration (NIA)

Ito ang giit ni Magsasaka partylist Representative Argel Joseph Cabatbat matapos lumabas sa ulat ng Commission on Audit ang iregularidad sa mga kontrata ng NIA noong isang taon. 


Ayon sa COA, 841 na kontrata na nagkakahalaga ng P6.579 bilyon ang kulang kulang sa papeles, kabilang ang detalye ng presyo at kung kailan matatapos ang mga ito.


Paglabag daw ito sa Government Procurement Reform Act, dagdag pa ng ahensiya.


Ilang taon nang binabatikos ng COA at ilang mga mambabatas ang NIA dahil sa pagkakabinbin ng daang-daang proyekto, at animo’y kapalpakan ng ahensya na magbigay patubig sa mga nangangailangang sektor.

   

Ayon kay Cabatbat, maiibsan ang hirap ng NIA sa pamamahala kung DA na ang mangangasiwa rito. “DA naman ang may pananagutan sa lahat ng aspeto sa agrikultura – mula binhi, pataba, pagpapatanim, hanggang patubig. Mas mainam kung makikisalo sa resources ang NIA, imbes na umaakto ito bilang government owned and controlled corporation na kailangang kumita.”


Dagdag ni Cabatbat, mapapabilis din ang koordinasyon lalo na sa panahon ng pandemya at bagyo kung iisang ahensya lang ang gumagalaw.







Ayon sa pag-aaral, tamang irigasyon ang isa sa pangunahing nakapagpapataas ng produksyon sa pagsasaka. Higit sa 60% ng taniman ng palay ang umaasa sa irigasyon kaysa sa tubig ulan.


Noong May 05, 2014, sa bisa ng Executive Order 165, tuluyang naipasailalim sa liderato ng Office of the President ang NIA. Sa kasalukuyan, pinamamahalaan ito ni dating Armed Forces chief of staff General Ricardo Visaya, habang si Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles naman ang chairman ng Board of Directors.