Pinagtibay na ng Kamara de Representantes ang resolusyon na nagtatakdang maging opisyal ang paggagawad ng Congressional Medal of Excellence, kung saan ay kauna-unahang tatanggapin ni Tokyo Summer Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.
Ang House Resolution (HR) 1981 na inihain nina Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano, ay lumilikha ng pinakabagong congressional award na eksklusibong igagawad sa mga atletang Pilipino na nagwagi ng gintong medalya sa Olympics.
Ang Congressional Medal of Excellence ay nilikha upang bigyan ng mataas na parangal at papuri ang mga pambansang atleta na nagwagi ng gintong medalya sa Olympics.
Isa pang resolusyon ng pagbati, pagpuri at paggawad ng Congressional Medal of Excellence kay Diaz para sa makasaysayan niyang pagkapanalo ng gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics na nakasaad sa HR 2041, ay pinagtibay din ng Kapulongan..
RESOLUSYON NA LUMIKHA SA CONGRESSIONAL MEDAL OF EXCELLENCE AT PAGGAWAD NITO SA KAUNA-UNAHANG TATANGGAP NA SI HIDILYN DIAZ, PINAGTIBAY NG KAPULUNGAN
Ang HR 2041 ay inihain nina Velasco, Romualdez, Paduano, Isabela 5th District Rep. Faustino Michael Carlos Dy III at Zamboanga City Rep. Manuel Jose "Mannix" Dalipe.
Ayon sa mga may-akda ng HR 1981, ang pagkakamit ng gintong medalya sa Olympics ay ang pinakamataas na antas ng tagumpay na makakamit ng isang atleta. “This award will immortalize their achievements and give them a legacy to leave behind by providing future generations with inspirational lessons that they can take to heart,” dagdag pa nila.
Sa kasalukuyan ay dalawang medalya ang ibinibigay ng Kapulungan: ito ang Congressional Medal of Distinction at Congressional Medal of Achievement.
Ang Congressional Medal of Distinction ay ipinagkakaloob sa mga matatagumpay na Pilipino sa larangan ng palakasan, negosyo, medisina, agham, sining at kultura; habang ang Congressional Medal of Achievement ay iginagawad sa mga namumuno sa sektor ng pulitika, ekonomiya, at kultura, na naging tanyag sa pamamagitan ng sariling gawain at pananaw sa buhay.
Limang taon na ang nakalilipas ng iginawad ng Kapulungan kay Diaz ang Congressional Medal of Distinction dahil sa pagkapanalo niya ng pilak na medalya sa 2016 Rio Olympics. #