Monday, July 12, 2021

-SUBSTITUTE BILL SA PHILIPPINE RISE MARINE RESOURCE RESERVE, APRUBADO

Inaprubahan na ng Committee on Natural Resources sa Kamara, na pinamunuan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., ang substitute bill sa House Bill 36, na magdedeklara sa bahagi ng Philippine Rise bilang isang protektadong lugar, na tatawaging "Philippine Rise Marine Resource Reserve."


Ang panukala ay iniakda ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon.


Sinabi ni Biazon na layon ng kanyang orihinal na panukala na gawing protektado ang nasabing lugar at ang hangarin nitong mapanatili ang Philippine Rise at ang Benham Bank.


Ayon sa kanya, sa pagkonsulta nila sa mga dalubhasa ukol sa kapaligiran at likas yaman, at iba pang mga nagsusulong, naliwanagan umano sila na mas makabubuting gawin nila itong isang reserbadong karagatan, upang magamit natin ang mga likas yaman nito.





Inaprubahan din sa pagdinig ang substitute bill sa HBs 107 at 4518, na naglalayong itatag ang mga protektadong lugar sa mga munisipalidad na baybayin at lungsod.


Ang mga panukalang batas ay iniakda nina Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun at MAGDALO Rep. Manuel Cabochan III.


Aprubado rin ng Komite ang substitute bill sa HBs 1686, 5442 at 4052, na naglalayong pangalagaan at protektahan ang mga kagubatan ng bakawan.


Ang mga panukala ay iniakda nina Fortun, Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr., at Manila Rep. John Marvin Nieto.


Panghuli, inaprubahan din ng Komite ang pinagsamang bersyon ng HBs 3460 at 8925, na naglalayong gawing institusyonal ang patakaran sa konserbasyon ng mga wetland.


Ang mga panukala ay iniakda nina Villafuerte at Deputy Speaker Mujiv Hataman.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV