Wednesday, July 07, 2021

-PANUKALA HINGGIL SA FILM AND LIVE EVENTS RECOVERY, APRUBADO NA SA KOMITE SA KAMARA

Binalangkas at inaprubahan kahapon ng technical working group (TWG), ng Committee Local Government sa Kamara, na pinamunuan ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia ang substitute bill sa mga panukalang naglalayong bawasan ang amusement tax ng 5 porsyento sa aktwal gross receipts mula sa mga admission fee, at suspindihin ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan o LGUs na magpataw ng buwis sa loob ng dalawang taon.

Aamyendahan ng panukala ang Seksyon 140 (A) ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991.


Layon nito na hikayatin at itaguyod ang paglikha ng mga orihinal na pelikula, musika at mga live na pagtatanghal, kabilang na ang pag-aalok ng suporta upang pasiglahin ang industriya sa pamamagitan ng pagbibigay ng kultura, pagkamalikhain, at oportunidad sa kabuhayan sa lahat ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa nasabing larangan.


Sinabi ni De Venecia na ang panukalang amyenda ay naghahangad na matulungan ang mga kinauukulang industriya, na makabawi matapos na labis na masalanta ng pandemya ng COVID-19.


Kapag naisabatas, ang panukalang Film and Live Events Recovery Act ay magsususpindi sa kapangyarihan ng mga LGU na magpataw ng amusement tax sa loob ng dalawang taon, na maaari pang palawigin ng dalawang taon, batay sa pag-apruba ng Department of Finance.


Samantala, ang mga kikitain sa amusement tax mula sa mga isinagawang lokal na palabas at pagtatanghal na nakasaad sa panukala, ay paglalaanan ng mga programa, aktibidad at proyekto sa kultura at sektor ng pagkamalikhain.        


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV