Thursday, July 01, 2021

-PAGSASARA SA INSULAR PRISON ROAD, INIMBESTIGAHAN NG KOMITE

Siniyasat kahapon ng Committee on Justice ng Kamara na pinamunuan ni Leyte Rep. Vicente Veloso III, ang ginawang pagpapasara ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Insular Prison Road na nasa New Bilibid Prison Reservation, batay sa House Resolution 1666 na inihain ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.


Sinabi ni Biazon na kilala ang Insular Prison Road bilang pangunahing pasukan at labasan ng halos 8,000 pamilya o katumbas ng 40,000 na residente na naninirahan sa Southville 3, isang proyektong pabahay ng pamahalaan na layong tulungan ang mga Muntinlupeños na naninirahan sa gilid ng riles ng tren na nangangailangan ng relokasyon.


Ang pagkakasara sa kalsada, batay sa resolusyon, ay isang pasakit, na tinutukoy sa Civil Code o Kodigo Sibil ng Pilipinas na anumang bagay na pumipigil o nakakagambala sa malayang pagdaan sa anumang pampublikong lansangan o kalye, o anumang agusan ng tubig; o nakakahadlang at nakakapinsala sa paggamit ng pag-aari.


Ayon kay Biazon, ang usapin ay hinggil sa hakbang ng tanggapan na nakaapekto sa mga residente, at ang hindi pagsunod sa wastong proseso.


Bukod dito, iniulat ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, na hindi kumuha ng permiso ang BuCor sa Pamahalaang Lungsod para sa paglalagay ng bakod sa Insular Prison Road bago ito itinayo.



("Labag sa batas ang pagtatayo sa mga bakod. Ano pa man, ito ay pagmamalabis sa kapangyarihan ng BuCor, kung ang dahilan ay para lamang sa seguridad," aniya.)



Ayon naman kay BuCor Director General Gerald Bantac, may kapangyarihan ang kanilang tanggapan na paunlarin ang kanilang mga pag-aari, batay sa implementing rules and regulations ng RA 10575 o "The Bureau of Corrections Act of 2013."


Dahil dito (,sinabi ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, Vice Chairman ng Komite, na) magtatakda ng isang pagpupulong, upang suriin at repasuhin ang batas, at tatalakayin ang mga susog na maaaring imungkahi upang mapabuti ito.