Monday, July 05, 2021

-PAGPAPALAKI NG DIRECT ECONOMIC STIMULUS PACKAGE PARA SA COVID-19 PANDEMIC, IMINUNGKAHI SA KAMARA

Ipinahayag ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na masyadong maliit ang budget para sa direct economic stimulus package ng Pilipinas para COVID-19 pandemic kumpara sa ating mga karatig bansa sa Asya.


Ayon kay Cayetano, dahil dito, ito ang isa sa mga naging dahilan kung bakit mabagal ang pagbangon muli ng ekonomiya ng ating bansa.


Kung titingnan natin ang ibang mga bansa, aniya, kasama sa kanilang stimulus package ay ‘yung ayuda at ang tawag nila dito ay direct stimulus. (at ang America ay naka-ilang bigay na nito para sa kanilang mga mamamayan.)


Ikinumpara ng mambabatas ang Pilipinas sa mga karatig bansa nito na mas malaki ang ipinundar sa mga economic stimulus package nito.


Ayon sa kanya, nariyan ang Vietnam ($20 billion), Indonesia ($48.18 billion), Malaysia ($64.86 billion), Singapore ($76.64 billion), at Thailand ($90.2 billion).


Sa totoo lang, aniya, hindi daw gumagalaw ang ating ekonomiya at mas marami ang nagugutom sa ating mga kababayan.


(Nang dahil sa maliit na economic stimulus package, nakita ni Cayetano na mas maraming pribadong indibidwal ang piniling tumulong sa kani-kanilang mga paraan tulad ng pag-umpisa ng mga donation drives at ang pag-ambag sa mga community pantries na nagsulputan sa gitna ng pandemya.)


Dahil dito iminumungkahi ng grupo ni Cayetano ang tatlong solusyon sa problemang kinakaharap ng ating bansa. 

 

Ito ay ang: Bayanihan 3 na between one to three trillion pesos; progressive 2022 budget at isang five-year plan na nagsasama ng sampung libong ayuda para sa susunod na tatlo hanggang limang taon.




Ayon kay Cayetano, ang Sampung Libong Ayuda ay magbibigay ng sapat na kapangyarihan sa pagbili sa bawat Pamilyang Pilipino na siya ring makakatulong upang bumuti ang lagay ng ekonomiya.


Naniniwala din si Cayetano na ang five-year plan ay isang magandang solusyon sa kasalukuyang problema na dulot ng COVID-19.  

 

“Hindi enough ang isang taon upang mabigyang solusyon ang problema ng bansa. Ang pino-propose nating five-year plan ay isang pangmatagalang solusyon na siya nating napagtanto nang tumama ang COVID-19 sa ating bansa,” dagdag ni Cayetano.