Thursday, July 29, 2021

-P10M INSENTIBO PARA KAY HIDILYN DIAZ AT IBA PANG MGA ATLETA NA MAGWAWAGI NG MEDALYA, LAYUN NG KAMARA

Pinasimulan kahapon ni Speaker Lord Allan Velasco sa Kamara ang “pass the hat” drive sa mga kapwa mambabatas, upang makaipon mula P5-milyon hanggang P10-milyon na igagawad bilang insentibo sa atletang kampeon sa weightlifting na si Hidilyn Diaz, at iba pang mga magwawagi ng medalya sa 2021 Tokyo Summer Olympics.


Ito ang ipinahayag ni Deputy Speaker at 1-PACMAN Rep. Michael “Mikee” Romero sa pulong balitaan sa Ugnayan sa Batasan kahapon.


Sinabi ni Romero na magmula sa kapulungan, pinasimulan ni Speaker Velasco ang inisyatiba sa pamamagitan ng pag-umpisa ng P200,000 para sa pass the hat at ang lahat na mga mambabatas sa Kamara ay inaasahang mag-aambag para sa karagdagang insentibo para kay Hidilyn.


(“I think the incentive will go as far as P5 million to P10 million. As we speak, the ‘pass the hat’ has started and we already have P4 million from various congressmen,” dagdag pa niya.)


Nilinaw naman ni Deputy Speaker at AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin na dahil sa popular demand at sa advice ng House leadership, ang prize money ay pag-isahin na lamang at ibigay bilang gift sa lahat ng mga Filipinong manlalaro na makapag-uwi ng Olympic medals para sa bansa at hindi lamang para kay Hidilyn kung sakali.






Gagawaran rin ni Romero, isang matagal nang patron ng sports, si Diaz ng karagdagang insentibo na nagkakahalaga ng P3-milyon, dahil aniya tinapos niya ang 97 taong paghahangad ng bansa sa mailap na gintong medalya ng Oympics.


Ipinikita pa ni Romero sa mga mamamahayag ang tsekeng nagkakahalag ng P3-milyon na kanyang ibibigay kay Diaz, sa kanyang pagbabalik sa bansa.


Si Diaz ay naitala sa kasaysayan at naghatid ng karangalan at tagumpay sa Pilipinas matapos na magwagi ng gintong medalya sa 2021 Tokyo Olympics. Ito ang kauna-unahang gintong medalyang napanalunan ng bansa matapos ang 97 taon.


Sa naturang pulong balitaan, sinabi ni Deputy Speaker at Manila Rep. Bienvenido Abantre Jr, na si Diaz, na itinuturing niyang bayani ng pambansang palakasan ay dapat lamang na parangalan, na karapat-dapat para sa kanya.


“If we will be needing a sports ambassador, she can represent our country in any sports event and to be able to raise the flag of Philippine sports,” ani Abante.


Ilang mambabatas na ang naghain ng resolusyon ng papuri at pagbati para kay Diaz sa kanyang makasaysayang panalo.


Binanggit din ni Romero na isusulong niya ang pagtatatag ng Department of Sports, bilang pagsisikap na matugunan ang hamon sa pagsasanay at pondo para sa mga atletang Pilipino.


“With the Department of Sports, it will have the mandate to put as many infrastructure as possible. Our athletes need to train outside of the Philippines because we don’t have enough infrastructure and facilities,” aniya.


Sinabi ni Romero na kakausapin niya si Speaker Velasco at ang kanyang mga kapwa mambabatas, upang hingin ang kanilang suporta para sa pag-apruba ng naturang panukala.


Nagpahayag ng pagsang-ayon si Abante sa panukala, at binanggit niya na panahon na para iprayoridad ang sektor ng palakasan sa Pilipinas.


“Once we have a Department of Sports, we can then compete internationally, as far as even promoting international sports in the Philippines,” punto pa ni Abante. #