Tuesday, July 06, 2021

-MGA PANUKALA HINGGIL SA INTEGRATED COASTAL MANAGEMENT, SINIMULAN NANG TALAKAYIN SA KAMARA

Idinaos kahapon ang unang pagpupulong sa online  ng technical working group (TWG) ng Committee on Climate Change sa Kamara para talakayin ang mga hakbang hinggil sa pamamahala sa mga baybayin ng bansa.

Ang House Bill 3136 na inihain ni Bukidnon Rep. Ma. Lourdes Acosta-Alba, at HB 3315 ni Deputy Speaker Camille Villar, ang dalawang panukala na may layuning pagtibayin ang pamamahala ng ecosystem ng mga baybayin bilang pambansang istratehiya, upang matiyak na mapapanatili ang pag-unlad ng dalampasigan at karagatan, at mga yamang dagat ng bansa ang kanilang tinalakay.


Ang grupo ay pinamumunuan ni Masbate Rep. Elisa Kho at sa kanyang pambungad na pahayag na binasa ni Acosta-Alba na namuno sa pagpupulong, sinabi ni Kho na ang panukala sa integrated coastal management (ICM) ay hindi na bago, dahil dati na itong inihain noong ika-16 at ika-17 Kongreso.


Ayon sa kanya, mahalaga sa isang kapuluan na bansa tulad ng Filipinas, ang pinagsamang pamamahala ng baybayin dahil sa pabago-bagong nating klima.


Inirekomenda niya na gawing working draft ng TWG ang panukala ni Acosta-Alba at ito ay tatawaging "Integrated Coastal Management Act."





Sa ilalim ng panukala ay itatatag ang isang National Coordinating Committee para sa ICM, upang makipag-ugnayan sa pagsusuri at pagpapatupad ng National ICM Framework.


Sinabi ni Kho na sa tatlong panukala, ang inihain ni Acosta-Alba ang pinaka-komprehensibo, at nakabatay sa substitute bill na binalangkas nila noong mga nakaraang Kongreso.


Sa kabilang dako, ang HB 5353 ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo ay magtatatag ng National Integrated Coastal Ecosystem Development Authority (NICEDA), upang ipatupad ang mga pinagsamang programa sa pamamahala ng baybayin sa bansa.




Aatasan nito ang Kagawaran ng Kapaligiran at Mga Likas na Yaman (DENR), na magbigay ng mga tauhan bilang suporta para sa kalihim, sa National Coordinating Committee. Kabilang sa mga kapangyarihan at tungkulin ng National Coordinating Committee sa ICM ay: 1) bumalangkas, magpatupad, magtatag ng institusyon at, susugan kung kinakailangan, ang National ICM Framework, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang mga kinauukulang ahensya, sektor at nagsusulong sa loob ng anim na buwan matapos magkabisa ang batas; 2) simulan ang pagtatatag at pagsasama-sama ng baseline data sa ICM lalo na ang may kaugnayan sa biodiversity; at 3) lutasin ang mga hindi pagkakaunawaan na nagmumula sa ICM sa pagitan ng mga lalawigan, at iba pa. Kabilang sa mga tagapagsalita na dumalo sa pagpupulong ay ang mga kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) - Benjamin Tabios, Dr. Malou Moreno ng DENR Ecosystems Research and Development Bureau, Nancy Bermas ng Partnerships in Environmental Management for the Seas of East Asia (PEMSEA), Laura David ng University of the Philippines Marine Science Institute (UPMSI), Jurgenne Primavera ng Zoological Society of London, at Armida Andres ng DENR Biodiversity Management Bureau.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV