Thursday, July 22, 2021

-MAHIGPIT NA SEGURIDAD SA SONA 2021, IPATUTUPAD NG KAPULUNGAN

Iniulat kahapon ni House Sergeant-at-Arms Retired Police Major General Mao Aplasca na ang Kamara de Representantes, sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Presidential Security Group (PSG), ay nakapaglatag na ng “very stringent” protocols, upang matiyak ang seguridad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, mga pinuno ng Kapulungan at Senado at mga kinatawan, mga panauhin at kawani, na makikibahagi sa ika anim at huling State of the Nation Address ng Pangulo sa ika-26 ng Hulyo 2021.

Sa loob ng dalawang buwan, sinabi ni Aplasca na nakapaglatag na sila ng seguridad at contingency plans para sa araw ng SONA, at nakapagsagawa na rin ng mga pagsasanay mula sa pagsusuri sa mga papasok sa Batasan Complex hanggang sa pagdaraos ng kaganapan sa araw ng SONA.


Binanggit niya na wala namang anumang banta sa seguridad sa buong paghahanda nila sa SONA.


Ayon sa kanya, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Kapulungan sa mga intelligence units ng AFP at PNP sa mga plano at tugon sa anumang banta sa seguridad.





Ipinahayag rin ni Aplasca na nagpulong kahapon ang SONA Security Committee at kanyang binanggit na ang mga indibiduwal na pahihintulutang makapasok sa loob ng Batasan ay kinakailangang nakalista sa opisyal na talaan ng mga dadalo.


Mahigpit ding ipatutupad ang polisiya ng “No ID, No entry.”


Lahat ng mga panauhin at mga staff ay kailangang magpakita ng kanilang mga SONA ID at car passes na inisyu ng Kapulungan, upang mapahintulutan na makapasok sa Batasan Complex at Bulwagan ng Kapulungan.


Idinagdag din niya na magpapatupad ng ganap na lockdown ang Legislative Security Bureau (LSB) simula sa ika-23 hanggang ika-25 ng Hulyo.


Bukod sa mga banta sa seguridad, naghanda rin ang Kapulungan sa mabilisan at episyenteng pagtugon sa anumang aksidente o natural na kalamidad, tulad ng sunog at lindol.      


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV