Nagkaisa sina Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma at ang Special Committee on North Luzon Quadrangle sa Kamara de Representantes na pinamunuan ni Pangasinan Rep. Ramon Guico III na maghain ng resolusyon na nag-uutos sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na agad na bayaran ang kanilang mga obligasyon sa mga hindi pa nababayarang claims ng lahat ng mga pampubliko at pribadong ospital sa Regions 1, 2 at Cordillera Administrative Region.
Sa idinaos na pagdinig ng Komite hinggil sa bayad ng PhilHealth sa mga sinisingil ng mga ospital sa mga rehiyon ng Hilagang Luzon, siniyasat ni Isabela Rep. Antonio Albano ang pagkakaiba-iba sa pagitan ng ulat ng PhilHealth sa aktuwal na talaan ng nakabinbing claims na isinumite sa kanya ng mga district hospital.
Isiniwalat din ng mga mambabatas ng North Luzon Quadrangle na mayroon pa ring mga hindi nababayaran ang PhilHealth noong mga nakaraang taon.
Muling magdaraos ng pagdinig ang Komite sa susunod na linggo para sa estado ng mga PhilHealth claims.