Ipinagpatuloy ng Committee on Public Accounts sa Kamara, na pinamunuan ni PROBINSYANO AKO Rep. Jose Singson Jr., ang pagsisiyasat sa mga natuklasan sa pag-audit ng Commission on Audit (COA), sa iba`t ibang mga pagkakamali na nakita sa mga learning materials at modules ng Departmen of Education.
Ang pagsisiyasat ay batay sa House Resolution 1670, na naglalayong ireporma, rebisahin ang mga polisiya, at suriin ang kakayanan ng DepEd.
Sinabi ni Singson, may akda ng resolusyon na magbibigay ang komite ng kanilang mga rekomendasyon sa mga kinauukulang ahensya at magbabalangkas ng mga naaangkop na batas, upang matugunan ang mga usapin na nagsisilbing balakid sa edukasyon ng mga Pilipinong mag-aaral sa gitna ng pandemya.
Ayon sa kanya, hindi umano sila nagsiyasat para maghanap ng kapintasan o sisihin ang sinuman kundi isinasagawa daw nila ang pagdinig upang malaman kung paano nila mapapagbuti ang sistema ng ating edukasyon sa pangkalahatan.
Binigyang diin naman ng mga miyembro ng komite na dapat pagbutihin ng DepEd ang paggamit ng mga pondo ng gobyerno.