Tinapos na kahapon ng Committee on Good Government and Public Acountability sa Kamara de Representantes na pinamunuan ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay ang deliberasyon sa House Resolution 1751 na nananawagan ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad at kabiguan ng proyektong Free Wi-Fi Internet Access in Public Places na ipinatutupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na labis na nakasira at nakaapekto sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayang Pilipino.
Sa pagtatapos ng diskusyon, sinabi ni Aglipay na mabusising tinalakay ng Komite ang mga usapin na isiniwalat sa resolusyon.
Ayon kay Aglipay, narinig nila ang mga paliwanag at tugon ng mga tagapagsalita at ang mga paglilinaw mula sa mga miyembro ng komite.
Ani Aglipay, tinandaan din nila ang mga komento at mga manipestasyon na inilatag sa tatlong pagdinig na idinaos sa paksa ng mga katanungan.
Ayon sa kanya, nakalap ng Komite ang mga mahahalaga at may kaugnayang materyales at mga dokumento na gagamitin sa preparasyon ng Committee Report.