Tuesday, June 22, 2021

-MGA PROBLEMA SA PAGPAPATUPAD NG SERVICE CONTRACTING PROGRAM SA SEKTOR NG TRANSPORTASYON, TINALAKAY SA KAMARA

Tinalakay kahapon ng Committee on Transportation sa Kamara, na pinamunuan ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, ang kalagayan ng ipinatutupad na Service Contracting Program, na naglalayong mapagaan ang masamang epekto ng pandemya ng COVID-19 sa sektor ng transportasyon sa bansa.


Ang programa ay inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na kung saan ang mga public utility vehicles (PUVs) ay binabayaran ng pamahalaan, batay sa mga kilometraheng binibiyahe nito upang matiyak ang kita ng mga nasa sektor sa panahon ng pandemya.


Ito ay may kabuuang pondo na P8.58-bilyon na nagmula sa subsidiya ng P5.580-bilyon Bayanihan 2 o ang ‘Bayanihan to Recover as One Act’ at P3-bilyon mula sa 2021 General Appropriations Act (GAA). 


(Ang planong pagpapatupad sa Service Contracting Program ay una nang nakatuon sa Kalakhang Maynila, Cebu at Davao.)


Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, nagpasya ang technical working group ng ahensya na ipatupad ang programa sa buong bansa dahil sa slow-on boarding ng mga tsuper sa programa, kasama na ang pagpapabilis ng implementasyon at paggamit ng pondo.


Idinagdag pa ni Delgra na noong kanilang nirebisa ang implementasyon ng programa upang masakop ang lahat ng rehiyon sa buong bansa, ang kanilang tinutukan daw ay hindi ang realokasyon ng pondo, kungdi ang alokasyon sa dami ng tsuper sa bawat rehiyon.