Nakipagpulong kahapon si Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, Chairman ng House Committee on Muslim Affairs, sa mga opisyales ng iba’t ibang mga ahensya sa pamalaan upang talakayin ang mga huling kaganapan hinggil sa COVID-19, estado ng programa sa pagbabakuna, at ang kalagayan ng National Action Plan sa Mindanao.
Binanggit ni Dimaporo na nagtakda ng pagdinig ang Komite dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Mindanao.
Sa pagdinig, iniulat ni Alethea de Guzman, Director ng Department of Health Epidemiology Bureau, na huminto ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 at ang iba pang mga lugar sa Luzon at Mindanao ay hindi rin bumababa matapos itong tumaas muli.
Ayon sa kanya, habang patuloy na tumataas ang mga kaso sa Visayas at Mindanao, dapat nang dagdagan ang kapasidad ng health care ng pamahalaan, lalo na ang kapasidad natin sa critical health.
Dahil dito, nanawagan si Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa mga ahensya na dagdagan ang suplay ng bakuna sa Mindanao, dahil mas marami ngayong kaso ang naiuulat sa lugar kumpara sa NCR.