Tiniyak kahapon ng Kamara de Representantes na matatapos ang kanilang trabaho bago ang sine die adjournment ngayong linggo.
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses No. 2, na nagmumungkahi ng amyenda sa ilang probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, lalo na ang mga Articles XII, XIV at XVI.
Pangunahing iniakda ni Speaker Lord Allan Velasco, layon ng RBH 2 na alisin ang mga mahihigpit na probisyong pang-ekonomiya sa Konstitusyon, upang mahikayat ang mas maraming direktang dayuhang negosyo at puhunan sa bansa.
Sa mga idinaos na debate sa plenaryo, binigyang-diin ni AKO BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr., Chairman ng Committee on Constitutional Amendments at ang nag-isponsor ng panukala sa plenaryo, ang rekisitos sa Konstitusyon na kailangang ratipikahan ng sambayanang Pilipino ang mga iminungkahing amyenda sa isang plebisito bago ito ipatupad.
Ang bola ng pagpasa sa naturang panukala ay nasa Senado ng Pilipinas na.