Sa dinaluhang joint hearing ng House Committees on Economic Affairs at Social Services ni House Speaker Lord Allan Velasco kahapon, inaprubahan ng mga mambabatas ang substitute bill ng P405.6 bilyon Bayanihan 3 Bill na inaasahang magsisilbe bilang lifeline measure para sa ayuda sa mga mahihirap na pamilya at mga industriyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Principal author si Speaker Velasco ng nabanggit na panukala at aabot naman sa 290 na mga kongresista ang nagpalista para maging principal author at co-authors din nito.
Sa pagdinig ng bill, umapela ang lider ng Kamara sa Senado na suportahan sila sa kapulungan para sa agarang pagpapatibay ng nasabing lifeline measure.
Dahil lusot na ito sa komite, inaasahang iaakyat na ito sa plenaryo para tuluyang aprubahan bago ang sine die adjournment sa June 5.
Batid ni Economic Affairs Chair Sharon Garin na hindi dapat galawin ang 'for later release' na budget sa ilalim ng 2021 national budget na malinaw na nakasaad sa panukala.
Nakapaloob naman sa Bayanihan 3 ang "Ayuda to all Filipinos" o ang P1,000 na ayuda na ipagkakaloob sa lahat ng 108 million na mga Pilipino na ibibigay ng dalawang beses na may pondong P216 Billion.
-00-