Thursday, May 13, 2021

-PANUKALA TUNGKOL SA PAGGAMIT NG MGA SASAKYANG DE KURYENTE, APRUBADO NA SA MGA KOMITE SA KAMARA

Inaprubahan kahapon sa isang online hearing ng magkasanib na Committee on Energy ni Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal Arroyo at ng Committees on Transportation at ng Ecology ang inilatag na substitute bill sa paggamit ng mga sasakyang de kuryente, at ang pagpapaunlad nito bilang isang industriya.


Pinamunuan ni Bataan Rep. Enrique Garcia III, Vice Chairman ng Energy Committee ang technical working group (TWG), na tumalakay sa pinagsama-samang mga panukala na nagbalangkas sa nasabing substitute bill.


Sinabi ni Garcia na layunin ng panukala na buuin ang isang pambansang polisiya at balangkas upang himukin ang mga nasa industriya ng mga sasakyang de kuryente sa mga pampubliko at pribadong sektor.


Ilan sa mga layunin ng panukala ay ang 1) imandato sa lahat ng mga istasyon ng gasolinahan, kabilang na ang mga pampubliko at pribadong establisimiyento, na maglaan ng lugar ng paradahan para sa mga sasakyang de kuryente, 2) iutos ang paglalagay ng mga charging stations sa lahat ng mga lugar na may paradahan para sa mga sasakyang de kuryente, 3) magtatag ng mekanismo ng akreditasyon sa lahat ng mga providers ng charging stations, 4) magtatag ng luntiang daanan na eksklusibo para sa mga sasakyang de kuryente, 5) isama ang mga lokal na nagmamanupaktura ng mga sasakyang de kuryente sa mga prayoridad na plano sa pamuhunan, kabilang na ang 6) pagpapalibre sa Value Added Tax (VAT) sa pagbili ng mga sasakyang de kuryente.