Kinampihan ni Majority Floor Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez si Senator Bong Go kaugnay sa naging pagtatalo nila sa pagitan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon bunsod ng hospital expansion bills.
Pinuri at pinasalamatan ni Romualdez ang malasakit ni Go para sa agarang pagpapatibay sa hospital expansion bills na napapanahon ngayong may COVID-19 pandemic.
Ang mag-asawang Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez ay kabilang sa mga principal authors ng twin bills na nakabinbin sa Senado.
Ito ay ang panukala para dagdagan ang bed capacities ng Eastern Visayas
Regional Medical Center (EVRMC) sa Tacloban City at Schistomiasis
Hospital sa Palo, Leyte.
Matatandaang nagkaroon ng mainit na debate sa Senado sina Go at Drilon matapos na hilingin ni Go na patigilin ang interpelasyon ni Drilon dahil pinapatagal lamang nito ang pagapruba sa panukala.
Samantala, umaasa naman si Romualdez na kaisa ng Kamara ang Senado sa mabilis na pagpapatibay sa mga panukala partikular na sa pagdadagdag ng bed capacities ng mga ospital upang makaagapay sa mga pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 patients.