Thursday, May 06, 2021

-PAGBUO NG ENERGY ADVOCATE OFFICE (EAO), BABALANGKASIN SA KAMARA

Binuo kahapon sa isang online hearing ng Committee on Energy sa Kamara de Representantes ang isang technical working group (TWG) na babalangkas sa mga panukalang naglalayong bumuo ng pambansang polisiya sa enerhiya at balangkas para sa adbokasya sa kuryente.

Sinabi ni Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal Arroyo, Chairman ng Komite, na ang bubuuing TWG ay pamumunuan ni Deputy Speaker Wes Gatchalian, may-akda ng HB 7608.


Layon ng panukala ang pagtatatag ng Energy Advocate Office (EAO), na ipinaliwanag ni Gatchalian, na magiging isang independyenteng kinatawan ng mga gumagamit ng enerhiya sa pagtatakda ng halaga, patakaran, gayundin ang mga kaso at paglilitis ng mga may kaugnayan sa enerhiya, sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang judicial at quasi-judical bodies.


Ang EAO ay magsisilbi bilang independyente at may autonomiyang tanggapan sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), alinsunod sa Administrative Code of 1987.